http://flickr.com/photos/kamalayan/3099322252/ |
Para sa aleng nagtitinda ng yosi at kendi; pakiusap, 'wag kang iiyak 'pag bumili ako sa'yo ng sigarilyo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang nagsasabing hirap na hirap ka na sa'yong buhay. 'Wag kang iiyak habang nagsasabing sana'y mapalaya ang nabilanggo mong anak dahil sa droga. 'Wag kang iiyak habang nagtatanong sa akin kung kailan mababago ang ikot ng mundo. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.
http://bbs.zcpk.com/showthread.php?t=175694&page=2 |
Para sa lolong namamalimos sa gilid ng kalsada; pakiusap, 'wag kang iiyak 'pag nadaanan kitang nakaupo sa lapag. 'Wag na 'wag kang iiyak habang nanlilimos sa akin at sasabihing hirap ka nang magpanggap na lumpo upang makapanlimos. 'Wag kang iiyak habang sinasabi sa akin na nilamon mo na ang hiya mo para lamang mapakain ang pitong maliliit mong anak. 'Wag kang hihikbi sa harap ko habang isinasalaysay mo kung gaano nasayang ang oras at lakas mo sa paghahanap ng mga trabahong itinatakwil ang edad at pinag-aralan mo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang itinatanong sa akin kung kailan maglalaho ang diskriminasyon at mga mapanghusgang sistema sa lipunang ito. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.
http://flickrhivemind.net/User/jojopensica |
Para sa batang paslit na nangangalakal ng basura upang makahanap ng mga kalakal at mga tirang pagkain; pakiusap, 'wag kang iiyak kung magtama ang mga paningin natin. 'Wag mo akong lalapitan na ika'y umiiyak at magsusumbong sa akin kung paanong 'di patas ang mundo sa iyo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang inihahayag na ika'y gutom na gutom na ngunit walang maipangkain. 'Wag kang hihikbi sabay ng pagsabi mo na maski ang sarili mong amoy ay isinusuka mo na. 'Wag mong ipakita ang iyong kawalang pag-asa na matupad ang pangarap mong makapasok sa eskwelahan. 'Wag mong ipakita ang mugto at lumuluha mong mga mata habang itinatanong sa akin kung habang buhay ka na lamang ba na magkakalkal ng basura. 'Wag kang iiyak habang sinasabing mas gusto mo nang masilayan ang paraiso sa itaas. Pakiusap, 'wag mong sabihin na gusto mo nang takasan ang buhay. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.
Pakiusap lang, 'wag na 'wag kayong iiyak sa harapan ko habang sinasambit ang mga saulado ninyong mga hinaing na may kasamang mapapait na mukha. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. At hindi ko sigurado kung may magagawa ako.
Ano ba'ng bilin ko sa inyo?! Hindi ba't sabi ko, 'wag kayong iiyak? Ano'ng nakikita ko ngayon sa inyong mga mata? Sunud-sunod na hikbi at iyak ngunit walang pumapatak na mga luha.
TAMA NA. Tumahan na kayo. 'Wag na kayong umiyak. Dahil ang magagawa ko lang din ay umiyak para sa inyo.
PAKIUSAP, 'WAG KA NANG IIYAK.