Wednesday, November 16, 2011

Paghilom

Itong sugat na tinamo
Na pinahapdi na ng panahon,
Gaano man katagal, 'di matutuyo.
Walang kapagalang magsusumamo.

Mali. Hindi ito ang gabi ng ating pagtangis.
Bagkus, ito muli ang gabi ng ating pagbanggit.
Pagbanggit ng paulit-ulit
Sa utang ng bulag-bulagan, nakapikit.

Ang dugong dumanak dito sa hacienda,
Parehong araw, taong dalawanglibo't apat,
Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang daloy
Dito saming ugat na bumuhay sa pulang apoy.

'Di tayo matitinag
Hangga't taglay natin ang mapapait na alaala,
Hangga't walang katarungan para sa mga
Magsasakang pinatay sa kan'lang pakikibaka.

'Di tayo mabubuwal
Hangga't taglay natin ang pagkakaisa,
Hangga't 'di naibibigay ang tamang hustisya,
Hanggang ang bawat magsasaka ay mag may-ari na ng lupa.

Tiim-bagang.
Taas-kamao.
HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA
NG PAGPATAY SA HACIENDA LUISITA!