Walang pagdududang manganganak.
Magluluwal ng sanggol o higit pa,
'Wag mo s'yang hanapan ng asawa.
Tulad ni Maria kung magbutil ang pawis.
Taimtim na nagdarasal.
Sumasambit ng mga 'di kabisang litanya,
Karugtong ng dila, ang puso at diwa.
Darami ang lahi, ako ang patotoo.
Ngunit mananatiling birhen
Ng nakaraan, hinaharap, kasalukuyan.
Alam ang tama, at ito'y pinaglalaban.
Sa serbesa, ihuhulma ang supling.
Mga supling kung papalarin
Na karugtong ng kamao ay tinta,
Puso, diwa, pag-asa't tula.
Tulad ni Maria, nanatili kang nagdarasal.
Ngunit taliwas din kay Maria,
Dahil ikaw, ikaw na may sariling isip,
May tindig, may pagkilos na kalakip.
Turan ko sa'yo, lahi mo'y darami,
Manganganak ang anak ng anak ng anak mo.
Tulad mo, sila ri'y tutula't magdarasal,
Para sa nararapat, ang kaginhaawa'y umiral.
Ikaw ay 'di magpapakabanal,
'Pagkat ikaw ay namulat sa lumang sistema.
Ikaw ay malugod na birheng magluluwal
Ng mga supling na tirignan kang wari'y tubig sa bukal.