Tuesday, February 22, 2011

Kahel na Ilaw


Pinagmamasdan ang puting ulap,
Ibinuga ng bibig, o anong sarap.
Matapos kumain, ikaw ang hanap-hanap,
Tuloy, ako’y mistulang nakasakay sa alapaap.

Kasama kita sa hirap at ginhawa,
Magkaharap pa sa loob ng kubeta.
Bawat hithit, apektado ng iyong mahika,
Sa iyong halimuyak, tunay ngang nahalina.

Samahan mo ako sa mundong mapanglaw,
O aking kaibigang kahel na ilaw.
‘Pagkat sa init mo, ako ay nauuhaw,
Sunugin natin ang mundong mababaw.

Sa mundong bilog ngunit may katapusan,
Hindi maipapangakong hindi maiiwan,
Ang iyong init ay mauubos din,
Sa huling usok, ako’y iyong lilisanin.

http://www.shelbystidham.com/photography-foreground-and-background/

Takatak


Dumadagundong; ang banta’y umaalulong.
Nariyan na pala ang bughaw na ulupong.

Tinatahak ang pasilyong nilulumot,
Nang-aamba at nananakot.

Karga ang bata; karga ang benta,
Dadalhin mga yosi’t kendi, magpapalamig muna.

Saan sisilong? Saan kukubli?
Kahit ang bata lamang at supot ng kendi.

Mga mata ng aking muwang ay nakatitig sa akin.
“Saan pupunta ang tatay?” patanong n’yang lihim.

Paano kong iiwan ang isang inosente?
Tanging makakasama n’ya ay tig-pipisong bente.

Isang halik sa noo bago pa sumama,
Sa asul na taong nadaan kanina.

Kinabukasan, aking babalikan,
Lahing inilayo ng asul na kawatan.

http://www.filipinowriter.com/takatak-boy