Ako si Huni. Hindi talaga ‘yon ang tunay kong pangalan. ‘Yun lang ang tawag ng mga kasama ko sa akin dahil daw sa “pinagpala” kong boses. Natatandaan ko noong nasa unang taon ako ng kolehiyo, happy-go-lucky lang ako sa klase. Wala akong pinoproblema sa pera - kasi naman, dose pesos lang ang matrikula ko bawat yunit sa isang semestere. “Mababait” din naman ang mga professors namin. Nagbago lang ang pananaw ko nang machismis ng isang ‘wag na nating pangalanang kaklase na mula labingdalawang piso kada yunit ay itataas hanggang dalawang daang piso kada yunit ang tuition fee. Tila tumulo ang likido na nasa utak ko nang marinig ang balita. Biruin mo, tila mauubusan ka ng tubig sa katawan sa sobrang init sa klase; mauurong ang tae mo dahil walang tubig sa banyo; at hindi rin lubusang magamit ang mga pasilidad para sa mga kapwa ko estudyante, tapos itataas pa ang matrikula namin? ‘Dun ako nakakuha ng lakas na makiisa sa isang organisasyon na magka-counter attack sa nagbabadyang delubyo.
Sumama ako isang beses sa malawakang rally na ginanap mismo sa loob ng unibersidad. Napakaraming dumalo sa eksenang ‘yon. Bawat isa ay may iisang tinig. Bawat isa ay may iisang bigkas. Nabigla ang lahat nang makita namin ang mga armadong kalalakihan na nakapalibot sa entrance ng building kung saan, sa harap niyon gaganapin ang nasabing rally. Sobra naman ata sila. Bandido ba ang tingin nila sa amin? Dahil na rin siguro sa halos tatlong linya ng mga armadong lalaki kaya nagkaroon ng kakaibang tensyon. Nagpumilit pumasok sa loob ng gusali ang mga kasamang nasa harapan. Sunod naman kaming mga nasa likuran. Bawal yata ang estudyante sa loob nito kaya pinilit kaming sanggain ng mga “gwardya” na parang ayaw kaming paapakin kahit isang hakbang papasok sa loob. Pero makulit kami noong araw na ‘yon. Mukhang gagawa talaga ng eksena sa loob para lang mapansin. PERO - kung siga kami, mas siga ng tatlo’t kalahating beses ang mga “dakilang bantay” (Arf! Arf!) Hala nagkakataasan na ng boses!
“Papasok lang ho kami, ser! Mangungusap lang ho kami!” Sabi ng nasa harap.
“Hindi nga pepwede ‘yang ginagawa ninyo! Makakaabala lang kayo sa loob!” Banggit ng gwardya.
Nakapuslit ang isang kasama. Sunuran ang lahat! Hiyawan. Napalinga ako sa kanan. Naka-amba na ang batuta ng manong sa isang kasamahan namin. Hinihigit naman palabas ang isa sa may kaliwa ko. Tuloy pa rin ang siksikan ng mga estudyante. Nahuhuli yata ako. Pero walang magagawa kundi sumabay sa agos.
Aray! May sumabunot pala sa buhok ko!
“Agggghhhh!!!” Sigaw ko.
Pahiga na paupo akong bumagsak. Buti na lang, natungkod ko pa ang mga palad ko. Naaninag ko ang sinag ng araw. Tanghali na pala. Parang kanina lang, alas y otso pa lang nang dumating ako dito.
Tatayo pa sana ako pero may humigit ng balikat ko.
“Aw!” Angal ko.
Nakita kong masyado nang marahas ang mga nangyayari.
“Pak!” Narinig ko sa loob ng ulo ko. Sabunot pa ba ‘yon?
“Pahg!” Isa pang tunog at biglang sumakit ang batok ko.
Hindi ko na kayang tumayo. Nakita ko ‘yung isa kong kaklase na tumatakbo papunta sa akin. Tila isang senaryo na may hinahabol siyang anak na masasagasaan.
“Gagapang na lang ako papunta sa silungan ‘dun sa may puno.” Bulong ko sa isip.
Hindi na yata talaga kaya. Napahiga na ako. Naaninag ko ang sinag ng araw. Tapos, ‘yung mukha ng kaklase ko. Tapos, kadiliman. Nakalimutan ko na. Matagal na ‘yon. Wala na akong maalala pagtapos ‘nun.
…
…
…
Teka! Bakit wala na akong maalala pagkalipas ‘nun?! Tulog ba ako at nananaginip lang? Teka nga, magmumulat muna ako ng mata.
…
…
…
Ayaw! Mahimbing yata talaga ang tulog ko. Sandali! Hindi naman kaya patay na ‘ko?! Ganito ba nangyayari sa tao ‘pag pumanaw na? KADILIMAN. Wala akong nararamdaman. Nabawian na siguro ako ng buhay nang biglang sumakit ang batok ko. Leche! Ano kayang hitsura ko ‘nung namatay ako??
…
…
…
Sandali.
…
…
…
May naririnig ako.
…
…
…
“Tut. - Tut. - Tut. - Tut….”
Ano’ng tunog na ‘yon? Paulit-ulit.
“Tut. - Tut. - Tut. - Tut….”
Katunog ‘yun ng isang makina sa ospital. Hindi kaya - nasa ospital lamang ako?? Pero bakit parang napakatagal na panahon na ang lumipas matapos ‘yung huling alaala ko? Hm. Hindi kaya nakalimot lang ako? ‘Yun bang amnesia kung tawagin? Sakali man, selective amnesia lamang siguro, dahil naaalala ko pa ‘yung mga maraming pangyayari sa’kin. O hindi naman kaya …..
AHA!!! Malamang ay comatose ako. Diyos ko, ga’no katagal na kaya akong isang inutil? Saan naman kaya kinuha nila mama ‘yung pang-ospital sa akin?
Sayang naman ang pinaghirapan ng mama ko sa akin. Sayang naman ang buhay ko. Dahil sa welgang ‘yun, nagkaganito ako. Dati, naisip ko na rin na baka masayang lang ang mga oras ko sa buhay kung sasalungat ako sa mga utos ng mga nagpapakataas. Bigla kong naisip ang mga nakararami. Naisip ko ang mga susunod na henerasyon. Paano na sila? Paano na ang LIBRENG edukasyon nila? Saan na lamang sila pupulutin kung wala na silang maaninag na pag-asa?
Hahaha!
Natutuwa naman ako. Nababanggit ko nang ‘di sadya ang pangalan ko…. Pag-asa. Hindi ko alam sa nanay ko kung bakit ganon ang pinangalan sa’kin.
Haaaaay… Sana may naidulot na maganda ‘yung pinag-alayan ko ng buhay kahit ‘di sadya. Gusto ko sana, wala nang ibang buhay ang mawala. Tama na siguro ang sa akin.
“Tuuuuuuuuuuuuuuuuut…..”
Aray! Masakit sa tenga ang tunog na ‘yon. Siguro’y sumuko na ang katawan ko sa mga makinang bumubuhay rito. Ganito pala… Walang sakit na nararamdaman. Mabuti naman at pinagbigyan ng Panginoon ang huling kahilingan ko - ang mamaalam sa mundo nang walang nararamdamang sakit.
Unti-unting humihina ang nakabibinging ingay. Nagliliwanag na ang paningin ko.
Naku po! Langit o impyerno?! Iinterbyuhin naba ako ng Panginoon?
…
…
…
Ang tagal naman Niya.
…
…
…
Tuluyang nagliliwanag ang paningin ko.
Bughaw! May naaaninag akong bughaw!
Dagat! Kay ganda ng dagat!
Lumilipad ako. Mabilis. Sumasabay sa ihip ng hangin. - Hindi! Ako ang hangin! Ramdam ko ang kaisahan sa paligid. Hindi kami nagkakaiba. Ikaw, ako, siya, tayo - iisa.
Sisipol ako hanggang makamit mo ang kalayaan. Sisipol ako para sa iyo- sa inyo. Kahit ako’y wala na, iihip ako sa mga tainga’t balat ninyo.
Ako si Pag-asa.
Huhuni ako ng PAG-ASA.
No comments:
Post a Comment
Feel free to express your self. Feel free to criticize.