Wednesday, October 19, 2011

Kathang-Isip

google.com

     Ilang daang taon. Ilang daang taon bago naranasan ng mga mamamayan ang tunay na kasarinlan dito sa aming nasyon. Ilang milyong tao sa loob ng ilang daang taon ang nagsakripisyo ng oras at lakas upang may mukhang maiharap sa mga ningas ng kinabukasan. Ngayon, heto. Tagumpay ang aming magigiting na ninuno.
     Ang aming bansa; mapayapa. Walang pangamba ang lahat mula sa gatilyo ng mga mapanupil. Dahil ang lahat ay mulat na. Dahil lahat ay nabubuhay na bilang isa, at totoo. Walang kahuwaran.
     Ang paligid, banayad. Bakas sa mga mukha ang makatotohanang mga ngiti. Lahat ay kuntento. Walang nagmamalabis. Dahil alam ng lahat na sira na ang tatsulok. Na ang mundo ay bilog. Na ang mga ulap ay nawawala. At nagkakaroong muli.
     Wala nang mga makina. Wala nang mga makinang umiipot sa ulo ng mga tao. Paralisado na ang mga bakal na gumagalaw. Maaari na muling umawit ng harana. Maaari na muling magpatunog ng gong.
     At sa utak ko, tumutugtog ang isang awitin. Awiting kilala ng puso't diwa ko. Hindi banyaga. At tuwing gabi, nagtitipon ang mga kanayon upang bumigkas ng mga awiting sila ang lumikha. Kumakanta silang taas ang mga noo. Nagsisiyahan at puno ng serbesa ang tasa ng bawat isa. Kasabay sa pagtipa ng gitara, kumakalabog ang djembe. Kaya naman, ang mga tao'y humuhuni ng iisang awitin. Pagkakaisa. Kapayapaan.
     Ang mga pabrikang lumalason sa lupa, tubig at hangin ay itinakwil na ng kabihasnan. Sino pa nga bang mangangailangan ng pagawaan ng mga lason kung natural na ang buhay dito sa'ming nasyon? Sino pa nga ba?
     Ang mga bata'y mapapalad sa tinatamasang karangyaan. Ang panghuhuli ng tutubi at mga bangaw sa umaga ay kasiyahan. Pagkatapos ay tutungong eskwelahan. Libreng edukasyon. Libre at maayos na edukasyon ang tinatamasa nila. Ang mga maestro, hindi na nagtuturo gamit ang wikang banyaga. Hindi na rin itinuturo ang wikang dayuhan. Wala na ring mga gurong nagbebenta ng yema.
     Kung dati'y atat ang mga tao sa kanayunan na makakita ng matataas na mga gusali,  mga gusaling nagbibigay sa mga tao ng huwad na ngiti, ngayon ay hindi na. Hindi na sila magpapalinlang pa sa karangyaan; lalo na kung ito ay peke.
     Ang agrikultural na yaman ng bansa ay lalo pang pinagyabong ng bagong sistema. Bigas na gawa ng bayan ang muling kinakain ng bayan at hindi na ang angkat pa galing ibang bansa. Ang pagsasaka, pangingisda at iba pang gawaing agrikultural ay ganap at kilala na sa bagong lipunan bilang isang maunlad na propesyon. 'Di gaya dati na ang pagsasaka ay paglalagay ng sarili mo na mas mababa pa sa isang pulubi kung kumita, mas madalang pa sa pulubi kung kumain. May mga ngiti na ang mga taong sunog ang balat sa araw. Siguro ay dahil malaya na sila. Siguro marahil ay rinig na ang kan'lang boses sa bagong lipunan.
     Eto ang aking bagong lipunan. Pinagbayaran ang kalayaan. Wala ka nang ibang mahihiling pa. Naiinggit ka na ba?

Ang mga pangyayaring nabanggit sa kwento ay pawang kathang-isip lamang ng may akda. Kathang-isip. HANGGANG KATHANG-ISIP NA NGA LANG BA?!

1 comment:

  1. Mahusay na akda,pero hanggag pangarap at imahinasyon na lamang ito maaaring mangyari,imposible pero sana.kahit sa sarili ko,masaya ako sa computer age ngunit kung pwedeng pumili ng panahon gugustuhin ko pa din ang simpleng buhay sa nayon.

    ReplyDelete

Feel free to express your self. Feel free to criticize.