Wednesday, December 21, 2011

Dagat ng Dugo

Sa disyerto ng bulok na lipunan,
Kung saan ang buhangin ay maputla,
Sa gitna ng malawak na kawalan,
Papatak. Aambon. Tubig na pula.

Ang putla ay marahang kukulayan.
Pabilis ng pabilis mga patak.
Marahang pagbuhos ay naging ulan.
Buhangi'y naging pula, walang latak.

Ang ngitngit at galit ay naging sigwa.
Pulang ulan, luha pala ng masa.
Sa bawat patak, dugo ang kasama.
Lulunurin ang disyerto. Babaha.

Hindi marami, hindi rin maunti.
Dahan-dahan man, hindi maiimpit.
'Di mauubos asam na gumanti
Sa huwad na araw. Sakim. Malupit.

'Sang umaga, disyerto'y naging dagat,
Dagat ng hinagpis, poot at galit.
Libo'ng mag-aalay, dugong maalat,
Alon: tila bagyo kung humagupit.

Dugo at pawis, hindi masasayang.
Hindi matutuyo, dagat ng dugo.
Bawat alon, pupulahan ang pangpang.
Mundo'y magiging kulay pula. Bago.

Masdan mo ang kumpol ng mga ulap,
'Di ito magsasawang magpapatak.
Lumiliwanag na ang hinaharap.
Tagumpay ng digmaa'y matutumpak.

google.com

1 comment:

  1. sana kaya ko rin magsulat ng ganito kalalim na tagalog. aylavet mina HARI NG PERSIA :*

    ReplyDelete

Feel free to express your self. Feel free to criticize.