Gandang ganda sa panahon si Pochoy ngayong araw. Eksakto pa man din, kagagaling lang n’ya sa eskwela. Pagbaba ng bitbit n’ya, kinuha n’ya rin agad ang malaking payong sa likod ng pintuan nila.
“Ma, magpapayong lang po ako d’yan sa mall!” sigaw ni Pochoy sa inang nagsusuyod ng buhok.
“Sige ka nanaman bata ka ha! ‘Wag kang iinda-inda sa akin ‘pag nagkasakit ka ha!” nanlalaki ang mga butas ng ilong ni Aling Choling habang sinisigawan ang anak.
“Sinong isasama mo?!” dugtong agad ng ina.
“Tatanungin ko po si Kamote kung sasama!” sagot naman ni Pochoy.
Sigawan ang sagutan ng mag-ina. Ngunit hindi dahil galit sila sa isa’t-isa ngunit dahil sa lakas ng ulan. Tinatalo ng langitngit ng ulan sa bubong ang mga boses nila.
“Tang’na Pot-pot ha! ‘Wag kang papasok ng putikan dito sa bahay! Kakalinis ko lang!”
Pocholo na naging Pochoy. Pochoy na naging Pot-pot. Ganun ang mga palayaw na tinatawag kay Pochoy. Si Pochoy na iniwan ng ama. Si Pochoy na labingtatlong taong gulang. Si Pochoy na kumikita tuwing umuulan at naglalaro tuwing umaaraw.
“Pasabit na lang po ‘yung tuwalya sa may pinto. Hihina na ‘yung ulan oh! Tuloy!” pagtatapos ni Pochoy sa usapan nilang mag-ina.
Paglabas ng pinto, tumapat kaagad s’ya sa alulod na parang talon kung makapaghulog ng tubig-ulan. Itinapat n’ya ang buong katawan at nabasa s’ya agad malipas ang ilang segundo.
Patakbo-takbo, palundag-lundag, bitbit ang nakatikom na payong, tinungo ni Pocholo ang kalapit na barung-barong upang anyayahan ang ututin n’yang kaibigan na si Kamote. Parati silang magkasama nito tuwing umuulan. Magpupunta sila sa kalapit na mall at mag-aalok ng sukob sa mga bisita. Sakto lang naman ang kita. Sakto para sa labingtatlong taong gulang na pag-iisip.
“MOTEEEE!” humihiyaw na tawag n’ya sa kaibigan. Walang sumasagot.
Inulit pa n’ya ulit ang pagtawag, “KAMOTEEEEEH!”
…
…
…
“BULAGA!”
Gulantang si Pochoy sa pakana ng kaibigang ututin. Tumambad sa mata n’ya ang payat at negrong katawan ng kaibigan. Sanay na s’ya rito. Tuwing maaraw kasi, nagpapadyak ang kaedad na kaibigan. Tuwing maulan naman, nagpapayong sa tapat ng mall. ‘Di tulad n’ya, hindi na ito nag-aaral. Nahinto na si Kamote matapos ang ikalawang taon nito sa elementarya.
“Tae ka talaga! Lakas ng trip mo Kamote!” singhal ni Pochoy.
“HAHAHA! Ang laki pa rin ng mata mo simula kanina. Takot na takot ka siguro ano? HAHAHA! Joke lang ‘yun! T’ra na! Titila na ‘yung ulan, sige ka.” pangbawi ni Kamote.
•
“Ate, payong?”
“Payong, ‘teh?”
Ate, kuya, payong oh!”
Umiikot sa mga katagang ‘yan ang liriko ng mga batang nandoon. May babae, may lalaki, may napakabata. Lahat sila, nagtitipon-tipon sa harap ng main entrance ng mall. Bawat taong lalabas doon, kung walang payong, ay kukulitin nila. May mga todo kayod, may mga petiks lang. May mga makukulit mang-alok, may mga tamang tanong lang.
Ang sistema, kung nakakuha ng kostumer ang bata, papayungan ito ng paslit hanggang makarating sa sakayan. ‘Di bale nang basa si bata, basta hindi mabasa si kostumer. Para nga naman may tip, syempre.
“Aba! Kaunti lang nagpapayong oh! Swerte!” sabi ni Kamote sa kasama.
“Bilisan mo na Mote, baka dumami pa ‘yang mga ‘yan.” ismid ni Pot-pot.
Takbo ang dalawa para salubungin na ang mga palabas na tao.
“Ate! Payong!” alok ni Pochoy.
Isnab ang etchoserang babae.
“Te! Te! Payong po!” alok n’ya ulit sa isa pang babae.
Hindi s’ya ulit pinansin. Maya-maya, tumingin ito sa kanya.
“Magkano ba hanggang ‘don?” itinuro ng dalaga ang sakayan ng dyip.
“Doon? Lima lang ‘dun ‘Te. ‘Di ka mababasa. Laki ba naman ng payong ko eh.” biro ni Pochoy.
“Sige. Tara.” sang-ayon ng babae.
Nakarating na ng sakayan ang Ate. Dali-dali itong sumilong para makakuha ng pangbayad. Binigyan s’ya ng dalaga ng buong dalawampung piso. Nagulat s’ya.
“Ate, wala po ba kayong barya? First trip pa lang kasi kita eh.” magalang na tanong ni Pot-pot.
“Wala eh. Sige sa’yo na ‘yan. Umuwi ka na lang sa inyo.”
“Salamat Teh! Sa uuliten!” takbo ni Pochoy pabalik sa harapan ng mall. Baka kasi magbago pa ‘yung isip ng babae.
Pagbalik n’ya, payabang s’yang lumakad papunta kay Kamote habang pinapamaypay ang bente sa kanyang mukha. Napangiti na lang ang kaibigan.
Nagpatuloy ang paglalim ng gabi ngunit hindi pa rin tumigil ang malakas na ulan. Nangangatog na silang magkaibigan.
“Pochoy, uwi na tayo! Nangangatog na ‘ko. Nariyan na rin sila Buwi. E-epal lang ‘yang mga ‘yan eh.” aya ni Kamote kay Pochoy.
“Tara Mote. Limpak na naman kinita ko eh.”
Magkasama ngang umuwi ang dalawa. Parehong masaya sa kinita. Parehong nilalamig ang patpating katawan. Parehong nangangatog. Parehong sabik ipagyabang ang kanilang pinaghirapan sa kani-kanilang nanay.
•
Ika-walo na ng gabi nang makauwi sa bahay si Pochoy. Huli na rin nang malaman n’yang basa pala s’yang pumasok sa loob ng kanilang tahanan. Sa isipan pa lang n’ya, nagigimbal na s’ya sa pagbubungangang ibubungad ng kanyang nanay.
“Patay…” nasabi n’ya sa sarili.
Lumabas na nga ang nanay n’ya mula sa maliit na kwartong tinatakpan ng kurtina.
“OH! PUTRAGIS KA TALAGANG BATA KA!” bungad nga ng kanyang ina.
“Ang kunat ng ulo mo ano?!” hinila ni Choling ang patilya ng anak patungong banyo. “Hala! Magbanlaw ka na! Baka magkasakit ka pa! Perwisyo ka talagang bata ka! NAKUUUU!”
Maswerte yata s’ya. Mabuti, hindi s’ya pinaghahampas ng hanger ng nanay n’ya.
“Ano kayang nakain n’un?” tanong n’ya sa sarili habang nagsasalok ng tubig mula sa drum na pinuno n’ya ng tubig kaninang umaga.
•
Kinakaskas mabuti ni Pochoy ng tuwalya ang kanyang buhok matapos magbihis sa loob ng kuwartong natatakpan ng kurtina. Nadatnan n’ya ang kanyang ina na nakasalampak sa upuang ipinama ng kanilang kapitbahay habang nanonood ng telenobela sa telebisyong ipinamana naman ng kanyang ninong.
“Kumain ka na Pocholo. Liempo ulam.” banggit ng kanyang hupak na nanay. Hindi banaag sa pananalita na galit ito.
“Bakit masarap ulam ‘Ma?” usisa ni Pocholo.
“Tumaya ako ng jueteng kanina kay Poroy. Naswerte ng tatlong libo.” normal nitong sagot habang nakatitig ang mga mata sa telebisyon.
“Swerte ah! — AYYY!” naalala ni Pochoy ang kinita n’ya kanina.
“Kumain ka muna Pocholo!”
“Teka lang Mama!”
Kinuha n’ya sa banyo ang naiwan n’yang supot ng barya. Umupo s’ya sa lamesa at sinabog ang mga ito. Kalansingan. Nagsimula na s’yang magbilang.
“Five, ten, fifteen, twenty, twenty-five, thirty...” inumpisahan n’yang bilangin ang tiglilimang piso.
“95.00! Ang laki!” bulalas ni Pochoy matapos bilangin lahat ng barya sa supot.
“Meron pa pala akong bente sa bulsa kanina.” naalala n’ya ang unang binayad sa kanya ng babae. “Mama, saan ‘yung short na basa?”
“Nakasampay sa banyo.”
Tatlong hakbang ang nagawa n’ya papasok sa kanilang mumunting banyo. Agad n’yang isinuksok sa bulsa ng kanyang basang salawal ang makalyo n’yang kamay. Nakapa n’ya ang basang bente pesos.
“Ayun!” ismid n’ya.
“Mama, 95 plus 20?” tanong n’ya paglabas ng kubeta.
“105.00” sagot ni Choling. “115.00 pala!” mabilis na bawi nito.
“Ayos! Mama, bili ako ng RC. RC tayo.” atat na si Pochoy.
“Bahala ka.”
Nananakbong umuwi si Pochoy bitbit ang malamig na bote ng RC. Dumiretso s’ya sa kusina na nasa likuran lamang ng upuan ng kanilang sala-salaan. Nagsalin s’ya ng inumin sa dalawang baso at ipinatong ang mga iyon sa inuupuan ng ina. Bumalik s’ya sa lamesa para magsandok ng kanin at ulam.
“Mama, kumain ka na?” tanong ni Pochoy sa ina.
“Oo. Ubusin mo na ‘yang kanin d’yan.”
Sumalampak ng upo si Pocholo sa sahig para makinood sa telebisyon habang kumakain. Sibang-siba ang bata sa paglamon dahil masarap ang ulam. Maya-maya, makakatulog na ang mag-ina.
•
Naglalakad si Pochoy papuntang mall. Hawak niya ang malaking payong. Nagtataka s’ya. Maganda ang sikat ng araw ngunit bakit dinadala s’ya ng kanyang paa sa harapan ng mall? Nakatayo na s’ya sa tapat ng entrance. Takang-taka s’ya. Walang lumalabas-pasok sa naturang gusali.
Biglang kumulimlim ang langit. May naririnig s’yang malakas na pag-agos ng tubig. Nagulat s’ya sa paglingon n’ya sa kanyang likod. Paparating sa kanya ang malaking alon ng tubig. Handa na s’yang sakluban nito. Maya-maya, naramdaman n’yang nilamon na s’ya ng tubig. Basang-basa ang kanyang katawan.
“POCHOLO!!!!” singhal ni Aling Choling sa kanyang anak.
Niyuyugyog na n’ya ang anak na naihi na sa salawal. Umuungol ito ng napakalakas. Ungol ng pagkatakot.
“Aaaaaaaaaaah!!!!!!” isang malakas na sigaw ang pinawalan ni Pocholo. Dilat ang mga mata nito. “Mamaaaaaaa...” humihikbi na ang paslit.
“Putris ka! Kitamo, inaapoy ka ngayon ng lagnat! Ang tigas kasi ng ulo mo!” sermon ng kanyang ina. “Tigil-tigilan n’yo na nga ‘yang kalokohan n’yo ni Kamote! Napapahamak ka lang d’yan eh!”
Nangangatog si Pocholo. Tumikas s’ya para kumuha ng salawal pamalit sa naihian n’ya kanina. Pinalitan n’ya ang basang sapin. At nahiga ulit.
“O, inumin mo ‘tong Biogesic. Nagpalit ka na ba ng short mo?” usisa ni Choling.
“Opo.” ang tanging naging sagot ng bata.
•
“Pot-pot. Uy, Pot-pot. Gising na.” mahinahong gising ng kanyang ina.
“Bumili akong lugaw. Kumain ka na. Iinom ka pa ng gamot. Hindi na kita maaasikaso mamaya, maglalaba na ako kila Aling Beth.”
Lampas normal pa rin sa temperatura ang init ni Pochoy. Masakit ang kanyang ulo at katawan. Pinilit n’yang bumangon para sundin ang pakiusap ng ina.
“Pagkakain mo, uminom ka na agad ng gamot. Tapos, magpahinga ka na ulit.” mahinahon na sambit ni Choling.
“Aalis na ako. Dadalhan na lang kita ng tanghalian mamaya.”
“Magpagaling ka, anak.”
•
Isang tipikal na ina si Aling Choling. Masungit, mabait. Mahigpit, mapagalala. Mahal na mahal n’ya ang kanyang anak na si Pocholo dahil malamang, ito’y anak n’ya at ito na rin ang matuturing n’yang kayamanan. Iniwan na sila ng ama ni Pocholo dahil sa malaking pagkakamali ni Choling.
Nalulong sa sugal ang dating maybahay. Halos hindi na n’ya naalalang may asawa’t anak pala s’ya. ‘Yon ang naging mitsa ng relasyon nilang mag-asawa.
Huli na ang lahat nang nagising s’ya sa realidad ng buhay. Inulila na silang mag-ina nang tuluyan ng kanyang asawa. Mula noon, pinilit n’yang mag-bago para sa nag-iisa at natitira n’yang kayamanan sa mundo. Pero mukhang bumabalik na naman ang dati n’yang sakit. Sakit na inililihim n’ya sa anak.
•
“Spongebob Squarepants, Spongebob Squarepants, Spongebob Squarepants!!!!!”
Tunog iyon ng telebisyon. Nanonood kasi si Pochoy. Maiigi na ang pakiramdam n’ya kaysa kaninang umaga.
“Grrrrrr.” tunog naman iyon ng sikmura n’ya. Nagugutom nanaman s’ya. Mabuti na lang at marami pa s’yang pera mula sa kinita n’ya kahapon. Lalabas s’ya ng bahay upang bumili ng laman-tiyan sa kalapit na tindahan.
Sa daan, nakita n’yang paalis na ang kaibigang si Kamote upang mamasada ng kanilang pedicab.
“Kamote, pasabit nga hanggang kila Mang Toto.” angas n’ya sa kaibigan.
“Balita ko, nagkasakit ka ah? Weak ka pala eh. Hindi mo ‘ko gayahin.” yabang naman ni Kamote habang nagpapadyak. Nakasabit naman si Pot-pot sa likod.
“Sabi nga ni Mama, ‘wag na raw tayo mag-payong eh.” malungkot na sambit ng bata.
“Sayang naman... Hayaan mo na, pa-good shot ka muna. Masyado kasi tayong nababad nung nakaraan.” pagaalala ng kaibigan.
“Sige Mote, dito na lang. SALAMAT!” pagpapasalamat ni Pochoy sa kaibigan.
•
Maganda ang sikat ng araw ngayong hapon. Nakatingin sa labas ng silid-aralan ang estudyanteng si Pochoy. Napansin n’yang may tumawag sa gurong nagtatalakay sa harap. Lumabas ito ng pinto at maya-maya’y bumalik muli.
“Pocholo, may naghahanap sa iyo sa labas.” anang guro.
Takang lumabas ng kwarto si Pochoy. Pagkalabas, bumungad sa kanya ang balisang si Kamote.
“Oh! Mote, bakit ka ─”
“Pochoy, ang nanay mo raw, hindi makahinga!” bulalas ni Kamote.
“Ma’am! Uuwi na po ako!” bitbit na ni Pochoy ang anim na taong gulang n’yang bag. Hindi na s’ya nagpaliwanag pa sa windang na guro.
•
“MA!” eksaheradong tawag ni Pochoy nang makarating ng kanilang barung-barong. Hinanap kaagad ng kanyang paningin ang ina.
Nakita n’ya itong hapung-hapo habang nakaupo sa sofa na pamana nga ng kanilang kapitbahay. Nanonood nanaman ito ng kinawiwilihang telenobela sa hapon.
“Oh? ─Ang─aga─mo? ” pagal na tanong ni Choling
“Tinawag ako ni Kamote sa iskul. Hindi ka raw po makahinga.”
“Maayos─na ako! ─ Naku! Si─Kamote talaga, ─nakita─lang na─hinihika ako, ─napaka-OA na!”
“Eh bakit po kayo hinihika? Hindi naman kayo hinihika dati ah.”
“Natural lang ‘to. ‘Wag kang─mag-alala.” pinilit na magsalita ng normal ni Aling Choling.
Wala nang kinibo si Pochoy ngunit sa loob-loob n’ya, labis s’yang nag-aalala para sa nag-iisang ina. Todo-kayod kasi ito para kumita ng pera. Linggu-linggo, tumatanggap ito ng labada. Sideline naman nito na maging street sweeper. At ngayong nakaraang linggo, nagsimula na itong mangubra ng jueteng na ipinayo lang naman daw ng kakilalang si Poroy. Ito rin ang madalas gumagawa ng mga gawaing-bahay na hindi pa kayang gawin ni Pocholo.
•
Pinagmamasdan ni Pochoy ang ginagawa ng ina. Nakayukyok ito sa lamesa at nagsusulat ng mga numero sa tinutuping papel. Maya-maya, nagbibilang na ito ng pera.
“Ma, para saan ‘yan?” usisa ng anak.
“Nagpapataya na ako ng jueteng. Nagagalit na si Aling Remi sa kabila, hindi na raw tayo nagbibigay ng pang-kuryente. Kulang kinikita ko sa labada eh.” prangkang sagot ng ina.
“Di po ba, nagkahulihan kila Poroy n’ung isang araw? Pa’no po ‘pag nahuli kayo?”
“Hindi ‘yun. ‘Yung mga nahuli, pinawalan agad. Si Mayor kaya may hawak ng jueteng dito sa atin.” paliwanag ni Choling.
…
…
“Ma,” pauna ni Pochoy.
…
…
“tama na ‘yang sugal-sugal.” tulalang sambit ni Pochoy.
Hindi ipinahalata ni Choling na nahihiya s’ya sa pinakawalang mga salita ng anak.
“Pangkain mo ‘to. Pang-aral. Pang-buhay.” pahayag ng ina at tuluyan nang umalis ito.
•
Lumipas ang oras. Palubog na ang araw. Wala pa ring Choling ang lumilitaw sa bahay nila Pocholo. Nag-aalala na ang musmos na bata.
‘Nasaan na kaya si Mama?’ isip ni Pochoy.
Pumunta si Pot-pot sa bahay nila Kamote. Inaya n’ya itong hanapin ang nanay n’ya.
“Mote, s’an kaya si Mama?” tanong ni Pocholo.
“Saan ba raw s’ya magpupunta?” sagot na tanong ni Kamote.
“Alam ko, magre-remit ‘yon kila Poroy eh.”
“Tara! Doon muna tayo.” inakbayan ni Kamote ang kaibigan.
Habang naglalakad sila papunta kila Poroy, nag-uusap silang magkaibigan tungkol sa iba’t-ibang bagay.
“Mote, natatakot ako. Baka kasi maadik nanaman nanay ko sa sugal eh.” matamlay na sambit ni Pocholo.
“Pot-pot, malaki na ‘yang nanay mo… Alam na n’ya mga gagawin n’ya.” pagmamarunong ni Kamote.
“Madalas, mas nakakalimot na ang mga matatanda sa tama at mali.” biglang nasabi ni Pochoy sa kaibigan.
“HAY NAKO. Sentimyento ka nanaman Parekoy. ‘Yan ba itinuturo sa eskwelahan?” pagbibiro ni Kamote. “Mabuti pa, hilahin mo na lang ‘tong hintuturo ko.”
“Ha? Ba’t ko hihilahen?” takang-taka si Pochoy. Nginitian lamang s’ya ng kaibigan. Wala s’yang nagawa kung hindi sumunod sa utos ng kasama. Hinila n’ya nga ang hintuturo nito.
‘PRRRRRRRRT!!!’ umutot ang ututing kaibigan. Kumamada nanaman ito ng masamang enerhiya.
“GAMOTE GA TALAGA! WALAG GIYA KA!” ngongong bulyaw ni Pocholo habang pinipisil ang ilong.
Saktong nasa tapat na sila ng compound nila Poroy.
“Pochoy, ako na papasok. Ako na titingin kung nand’on mama mo.” hirit ni Kamote.
“Sige Mot.” sang-ayon n’ya.
…
Limang minuto.
“Pot! Wala eh. Nakaalis na raw.” bigong pahayag ni Kamote.
“Tara Mot, punta tayo kila Aling Beth. Baka nakipag-chismisan lang si mama doon.” may pag-asang sabi ni Pochoy.
Palatak ang tawanan ng dalawa habang naglalakad papunta kila Aling Beth. Muntik pa silang lumagpas sa punteryang bahay. Sinilip muna ng negrong si Kamote ang gate bago tumawag.
“Tao po?” si Kamote.
“TAO PO…” duet ng dalawa.
Dumungaw sa bintana ang isang matandang mukha. Maya-maya pa ay may nagbukas na nga ng pinto.
“Oh. ‘Di ba, anak ka ni Choling?” pambungad ng matanda na marahil ay si Aling Beth.
“Opo. Napadaan po ba dito si Mama?” tanong ni Pochoy.
“Ha? Sa sabado pa ang laba ng nanay mo!” malakas ngunit mabait na pagtugon ng matanda.
“Ay… Sige po, salamat!” pamamaalam ni Pochoy.
Agad na humarap si Pochoy sa kasama.
“Mote, baka nasa sugalan si Mama. Punta tayo.” unti-unti na s’yang nananamlay.
Walang nasabi ang kasama at sumunod na lamang sa kaibigan.
•
Kuha ni Romina mula sa kodak ni Jessica Ferrera |
Tahimik ang compound kung saan nakapalibot ang mga taong may hawak ng baraha. May sapin ang kwadradong lamesang may baraha, pera, yosi at alak. Nakakunot ang kilay ng mga taong nakaupo. Halatang seryoso. Hindi magpapatalo.
Sa siwang ng gate, may dalawang batang nakasilip. Iyon ay sila Pochoy at Kamote. Nahanap na nila ang taong kanina pa nila hinahanap. Dismayado si Pochoy sa nakita. Nalulungkot ang kaninang masiglang damdamin nito.
“Kakausapin mo ba nanay mo Pot?” si Kamote iyon.
“H’wag na. ‘Wag na natin silang istorbohin.” diretsong tugon nito.
“Tambay na lang tayo Pot. RC tayo. LIBRE KO!” pakunswelong pahayag ng mabait na si Kamote.
“Tara Kamote.”
•
Masibang nagmemeryenda ang dalawa sa tindahan ni Mang Toto. Bigla, may narinig silang isang pamilyar na musika: UMUULAN. Nagkatinginan ang dalawa at katulad nina B1 at B2 ay alam na nila ang iniisip ng isa’t-isa.
“Punta tayong mall Pot. Sandali lang. Hindi tayo magbababad.” nakangising wika ni Kamote.
“Tara. Ang tagal ding hindi umulan. Nakaka-miss magtampisaw.” sabik na aya ni Pocholo. “Kaso, baka pagalitan ako ni Mama.”
“Nasa sugalan naman eh. Hindi ‘yan!” pagpilit ni Kamote.
Gaya ng ipinagdasal ng dalawa, lumakas ang ulan. Ulan na walang kasiguruhan. Ulan na unti-unting mawawala. Walang kamalay-malay ang lahat na maraming mawawala kasabay ang pagtila ng ulan.
•
Maswerte nanaman ang tyempo nilang magkaibigan. Kakaunti lang ang nagpapayong noong gabing iyon. Mabuti at wala ang sigang si Buwi na halos lahat ng kostumer ay inaangkin.
“Mote, magkano nanaman kaya kikitain natin?” nangingislap na mga matang sambit ni Pochoy.
“Hindi rin siguro malaki. Gabi na eh. Pasara na rin eh. Tara, kayod na tayo.” suhestiyon ni Kamote.
Madalang ang lumalabas na mga tao. Nakayukyok sa gilid ang batang si Pochoy. Maya-maya, may isang pamilyar na mukha ang lumabas ng gusali. Nilapitan n’ya ito.
“Ate, payong ka ulit?” sabi n’ya sa babaeng hindi pa n’ya nakakalimutan.
“Di ba, ikaw ‘yung nag-payong din sa’kin dati? ‘Yung binigyan ko ng bente?” sambit ng dalaga.
“Hehe. Opo, ako. Libre ka na ngayon ate! Tara! Saan ka ba?” pag-aalok ni Pochoy.
“Dun ulit sa sakayan ng dyip. Sigurado ka, walang bayad?” paninigurado ng babae.
“Oo naman ate! Basta sa susunod, sa’kin ka papayong!”
“Sige ba!”
Binuksan na nga n’ya ang payong upang iwasang mabasa ang bumbunan ng babaeng estranghero sa pangalan ngunit hindi na sa mukha. Nagkasalubong ang dalawang magkaibigan. Ipakikilala sana ni Pocholo ang suking babae. Nang biglang─ NADULAS SI POCHOLO.
“AruUuUuUuUyyy…” angal ni Pochoy.
“HAHAHAHAHA!” tawa ni Kamote!
“Uy, bata, tayo na! Babawasan ko bayad ko sa’yo! Nabasa na ako oh.” pagbibiro ng babae.
“ARUY. Ikaw Kamote, tumawa ka pa!” pikon na sabi ni Pochoy.
“Ikaw kasi, mag-ingat ka Pot. Mabuti, hindi ka naganyan dun sa patawid. Nako, pisat ‘yang ulo mo.” pananakot ni Kamote.
“Hay naku. Tara na nga ate.” yaya ni Pochoy sa dalaga.
“Pot, mag-ingat ka ha!” sigaw ng kaibigan n’yang si Kamote.
“TSEH!” may kasama pang belat na tugon ni Pocholo.
•
Nakasilong na ang dalaga. Nahatid na s’ya ni Pocholo sa silungan. Aalis na sana ang bata ngunit tinawag ito ng babae.
“Totoy!” tawag sa kanya ng dalaga.
“Po?” lumakad pabalik si Pot-pot.
“Oh, heto’ng sampu. Umuwi ka na sa inyo. Baka maaksidente ka pa.” iniabot nga ng babae ang sampu na tigpipiso.
“Hindi ko po tatanggihan ito ha? Hehe. Salamat po! Sa uulitin!” nakangiting nagpasalamat si Pochoy.
“Mag-iingat ka, baka mapa’no ka nanaman. Lalo na d’yan sa patawid oh.” pagmamalasakit ng dalaga.
“Hehehe. Sige po. Maraming salamat ulit!” nakangiting sambit ng binatilyo sabay bulsa sa kanyang sampung pisong barya.
Patakbo-takbo, palundag-lundag, bitbit ang nakatikom na payong, tinungo ni Pochoy ang maangas na daan. Maraming sasakyan. Nag-iingat s’yang mabuti. Ayaw na n’yang mapahiya muli tulad ng pagkakadulas n’ya kanina.
Malayo pa ang sasakyan, kumaripas na s’ya ng takbo. Magandang pagkakataon nga naman para tumawid sa malawak na kalsada. Sa masukal na kalsada.
http://www.spraygraphic.com/ViewProject/18999/normal.html |
Malapit na s’ya sa kabilang dulo. May narinig s’yang kalansing. Naramdaman n’ya ang pag-gulong ng mga barya galing sa kanyang bulsa pababa sa konkretong daan.
‘Wala pa namang mga kotse.’ sambit sa sarili ni Pocholo.
Pinulot n’ya isa-isa ang mga baryang nagkandahulog kanina. Mabilis n’ya itong pinaghahahanap. Kinupkop n’ya sa marungis na kamay ang mga napulot na piso.
Maya-maya, kalansing na lamang ulit ang narinig n’ya.
•
“Nang Choling… Si Pochoy po…” nakatungong sambit ni Kamote.
“ANO BA?! KANINA KA PA GANYAN NG GANYAN!” pang-ilang beses nang sita ni Aling Choling sa paulit-ulit na usal ng kaibigan ng anak.
“Nang Choling… Si Pochoy po…” paulit-ulit na sabi ni Kamote. Mukhang wala na sa sarili ang bata.
“Nang Choling… Si Pochoy po…” nagbuntong-hininga na si Choling. Napansin nitong basang-basa si Kamote nang pumunta ng bahay nila.
Kinutuban na s’ya ng masama.
‘Diyos ko! Saan na ang anak ko?!’
Kinabig n’ya ang paulit-ulit na si Kamote. Hindi n’ya alam kung saan s’ya pupunta. Pero dinadala s’ya ng mga paa n’ya papuntang mall.
Pagkatawid n’ya, may nakita s’yang kumpol ng mga tao sa may gilid ng kalsada. Pero ‘di n’ya iyon pinansin. Agad s’yang nagpunta sa tapat ng gusali upang tingnan ang kanyang anak. Una n’yang nakita ang busangot na si Buwi.
“Buwi! Si Pocholo?! Nasaan?! Buwi!” marupok ang boses ng ina.
“Nasagasaan kanina ng trak. Walang kumukuha doon. Sa may gilid pa rin s’ya. Kadiri. Nilalangaw.” walang pusong sambit ni Buwi.
Hindi malaman ni Choling ang gagawin. Ayaw n’yang maniwala. Tumalikod na s’ya sa kausap at pumunta kung saan n’ya nakita ang mga taon kumpulan kanina. Nakisiksik s’ya sa mga tila bubuyog na lipumpon at sa gitna nito, ang duguang si Pocholo.
Katahimikan lamang ang naririnig ni Choling. Si Pocholo lamang ang nakikita n’ya sa kanyang paningin. Wala s’yang maramdamang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata ngunit meron.
‘Pwede bang ‘wag nang gumalaw?’
‘Pwede bang ‘wag nang huminga?’
At nawalan na ng ulirat si Aling Choling.
•
http://ginpom.blogspot.com/2010/07/storms-coming.html |
Isang maulan na hapon…..
“Bata, nasaan na ‘yung kasama mo? ‘Yung madalas na nagpapayong sa akin?” tanong ng suking babae ni Pochoy kay Kamote.
“Nang Choling… Si Pochoy po…”
“Nang Choling… Si Pochoy po…”
Kawawang Kamote. Binaliw na ng tadhana.
-Wakas-
No comments:
Post a Comment
Feel free to express your self. Feel free to criticize.