Wednesday, December 21, 2011

Palparroyo Love Story


 Palparan,
O, naman
Anak ng tokwa.
Gusto ko lang ipaalala,
'Di porke't ikaw ay naglaho,
Isa ka nang
Desaparecido.
Dahil gago
Ang isang tulad mo.

'Wag ka nang magtago.
Subukan mo mang magkubli
Sa lilim ng saya
Ng iyong ina,
Kayo pa ri'y magtatagpo
Ng mahal mong bossing
Sa loob ng
Komedyang kulungan.

Tama ang ‘yong rinig:
Komedya.
'Pagka't s'an ka nakakita
Ng isang tao
Na sukdol gumawa
Ng mga sala
Na hayup sa gara
Kanyang selda?
'Ka'y mapapanganga.

Malaki,
Magarbo,
De-erkon,
De-tiles,
Guwardyado.
Kaya siguro
Ang mga tao'y inspirado
Gumawa ng katarantaduhan
Kasi naman
Ginhawa'y hantungan.

Kung ako'y bigyan man
Pagkakataong pumili
Ng inyong selda,
Gusto ko ay 'yung kumpleto
Sa kagamitang pang-torture.
'Yung unti-unting sakit
Ang ramdam.
Hardcore dre.

Mayroong garote.
Ang talas,
Tulad ng sa bread knife,
Hindi sa leeg
Kundi,
para sa kili-kili.
Ang dila ng magsisinungaling,
Kandila ang papatak,
Papaso.

Ang plais,
Ay para sa mga kukong
Kakabit ng makasalanang
Mga daliri.
Isa-isang huhugutin
At bubudburan
Ng sili't asin.
Mahapdi, makirot.

Sadista?
Hindi ah.
Kulang pa.
KULANG.
Walang sukat ang hinagpis
Ng mga taong
Naghahanap,
Umaasa,
Kahit sa bangkay
Ng kan'lang
Mahal sa buhay.
Ulila.

Na inyong dinakip,
Tinago,
At 'di na nakita.
Pagsalungat at pagbubunyag lang
Kan'lang gusto.
Pangit kasi
Ang inyong tambalang
PALPARROYO.
Sakim at berdugo.

Kaya ikaw Palparan,
'Wag nang mag-tago.
Miss ka na
Ng maraming taong
Galit na galit sa'yo
at sa kumander mo.
Kayo'y magsasama sa selda.
Sa
Hirap
at
Pagpawi.



Dagat ng Dugo

Sa disyerto ng bulok na lipunan,
Kung saan ang buhangin ay maputla,
Sa gitna ng malawak na kawalan,
Papatak. Aambon. Tubig na pula.

Ang putla ay marahang kukulayan.
Pabilis ng pabilis mga patak.
Marahang pagbuhos ay naging ulan.
Buhangi'y naging pula, walang latak.

Ang ngitngit at galit ay naging sigwa.
Pulang ulan, luha pala ng masa.
Sa bawat patak, dugo ang kasama.
Lulunurin ang disyerto. Babaha.

Hindi marami, hindi rin maunti.
Dahan-dahan man, hindi maiimpit.
'Di mauubos asam na gumanti
Sa huwad na araw. Sakim. Malupit.

'Sang umaga, disyerto'y naging dagat,
Dagat ng hinagpis, poot at galit.
Libo'ng mag-aalay, dugong maalat,
Alon: tila bagyo kung humagupit.

Dugo at pawis, hindi masasayang.
Hindi matutuyo, dagat ng dugo.
Bawat alon, pupulahan ang pangpang.
Mundo'y magiging kulay pula. Bago.

Masdan mo ang kumpol ng mga ulap,
'Di ito magsasawang magpapatak.
Lumiliwanag na ang hinaharap.
Tagumpay ng digmaa'y matutumpak.

google.com

Wednesday, November 16, 2011

Paghilom

Itong sugat na tinamo
Na pinahapdi na ng panahon,
Gaano man katagal, 'di matutuyo.
Walang kapagalang magsusumamo.

Mali. Hindi ito ang gabi ng ating pagtangis.
Bagkus, ito muli ang gabi ng ating pagbanggit.
Pagbanggit ng paulit-ulit
Sa utang ng bulag-bulagan, nakapikit.

Ang dugong dumanak dito sa hacienda,
Parehong araw, taong dalawanglibo't apat,
Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang daloy
Dito saming ugat na bumuhay sa pulang apoy.

'Di tayo matitinag
Hangga't taglay natin ang mapapait na alaala,
Hangga't walang katarungan para sa mga
Magsasakang pinatay sa kan'lang pakikibaka.

'Di tayo mabubuwal
Hangga't taglay natin ang pagkakaisa,
Hangga't 'di naibibigay ang tamang hustisya,
Hanggang ang bawat magsasaka ay mag may-ari na ng lupa.

Tiim-bagang.
Taas-kamao.
HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA
NG PAGPATAY SA HACIENDA LUISITA!

Wednesday, October 19, 2011

Kathang-Isip

google.com

     Ilang daang taon. Ilang daang taon bago naranasan ng mga mamamayan ang tunay na kasarinlan dito sa aming nasyon. Ilang milyong tao sa loob ng ilang daang taon ang nagsakripisyo ng oras at lakas upang may mukhang maiharap sa mga ningas ng kinabukasan. Ngayon, heto. Tagumpay ang aming magigiting na ninuno.
     Ang aming bansa; mapayapa. Walang pangamba ang lahat mula sa gatilyo ng mga mapanupil. Dahil ang lahat ay mulat na. Dahil lahat ay nabubuhay na bilang isa, at totoo. Walang kahuwaran.
     Ang paligid, banayad. Bakas sa mga mukha ang makatotohanang mga ngiti. Lahat ay kuntento. Walang nagmamalabis. Dahil alam ng lahat na sira na ang tatsulok. Na ang mundo ay bilog. Na ang mga ulap ay nawawala. At nagkakaroong muli.
     Wala nang mga makina. Wala nang mga makinang umiipot sa ulo ng mga tao. Paralisado na ang mga bakal na gumagalaw. Maaari na muling umawit ng harana. Maaari na muling magpatunog ng gong.
     At sa utak ko, tumutugtog ang isang awitin. Awiting kilala ng puso't diwa ko. Hindi banyaga. At tuwing gabi, nagtitipon ang mga kanayon upang bumigkas ng mga awiting sila ang lumikha. Kumakanta silang taas ang mga noo. Nagsisiyahan at puno ng serbesa ang tasa ng bawat isa. Kasabay sa pagtipa ng gitara, kumakalabog ang djembe. Kaya naman, ang mga tao'y humuhuni ng iisang awitin. Pagkakaisa. Kapayapaan.
     Ang mga pabrikang lumalason sa lupa, tubig at hangin ay itinakwil na ng kabihasnan. Sino pa nga bang mangangailangan ng pagawaan ng mga lason kung natural na ang buhay dito sa'ming nasyon? Sino pa nga ba?
     Ang mga bata'y mapapalad sa tinatamasang karangyaan. Ang panghuhuli ng tutubi at mga bangaw sa umaga ay kasiyahan. Pagkatapos ay tutungong eskwelahan. Libreng edukasyon. Libre at maayos na edukasyon ang tinatamasa nila. Ang mga maestro, hindi na nagtuturo gamit ang wikang banyaga. Hindi na rin itinuturo ang wikang dayuhan. Wala na ring mga gurong nagbebenta ng yema.
     Kung dati'y atat ang mga tao sa kanayunan na makakita ng matataas na mga gusali,  mga gusaling nagbibigay sa mga tao ng huwad na ngiti, ngayon ay hindi na. Hindi na sila magpapalinlang pa sa karangyaan; lalo na kung ito ay peke.
     Ang agrikultural na yaman ng bansa ay lalo pang pinagyabong ng bagong sistema. Bigas na gawa ng bayan ang muling kinakain ng bayan at hindi na ang angkat pa galing ibang bansa. Ang pagsasaka, pangingisda at iba pang gawaing agrikultural ay ganap at kilala na sa bagong lipunan bilang isang maunlad na propesyon. 'Di gaya dati na ang pagsasaka ay paglalagay ng sarili mo na mas mababa pa sa isang pulubi kung kumita, mas madalang pa sa pulubi kung kumain. May mga ngiti na ang mga taong sunog ang balat sa araw. Siguro ay dahil malaya na sila. Siguro marahil ay rinig na ang kan'lang boses sa bagong lipunan.
     Eto ang aking bagong lipunan. Pinagbayaran ang kalayaan. Wala ka nang ibang mahihiling pa. Naiinggit ka na ba?

Ang mga pangyayaring nabanggit sa kwento ay pawang kathang-isip lamang ng may akda. Kathang-isip. HANGGANG KATHANG-ISIP NA NGA LANG BA?!

Sunday, October 02, 2011

Panitikan ng Pintor

Ako ay pipinta,
Pintang makapagpapalaya
Sa mga inaalipustang dukha.

Masdan mo ang aking pinta,
Pangkulay ko'y mga titik at letra,
Inspirasyon ko ang kapwa maralita.

Suriin mo ang aking obra,
Ikaw na nakagiginhawa,
Baka sakaling unti-unting makaunawa

Sa lamat na nakahulma
Sa'ting bulok na sistema.
Sakaling ikaw ri'y mapapinta.

Kayong mga tuta,
Masdan n'yo ang aming katha.
Mga kathang sa inyo ay tataga.

Tataga rin sa tanikala,
Na iginapos ninyo sa'ming mga paa
Upang kami'y 'di makawala.

Ikaw dukha,
Pagtakhan mo ang aking tula.
Bakit ikaw ang nakapinta.

Baka sakaling mamulat ang mata
At mabaligtad natin ang kan'lang tinakda.
Kailan ka pa magkukusa?

Ako ay nagpinta.
Masdan mo'ng lahat ng talata.
Umaalab na'ng apoy ng makata.

"Boy With A Pipe" -Pablo Picasso

Thursday, September 29, 2011

Birheng Hindi Maria




Tulad ni Maria sa malalim na gabi,
Walang pagdududang manganganak.
Magluluwal ng sanggol o higit pa,
'Wag mo s'yang hanapan ng asawa.

Tulad ni Maria kung magbutil ang pawis.
Taimtim na nagdarasal.
Sumasambit ng mga 'di kabisang litanya,
Karugtong ng dila, ang puso at diwa.

Darami ang lahi, ako ang patotoo.
Ngunit mananatiling birhen
Ng nakaraan, hinaharap, kasalukuyan.
Alam ang tama, at ito'y pinaglalaban.

Sa serbesa, ihuhulma ang supling.
Mga supling kung papalarin
Na karugtong ng kamao ay tinta,
Puso, diwa, pag-asa't tula.

Tulad ni Maria, nanatili kang nagdarasal.
Ngunit taliwas din kay Maria,
Dahil ikaw, ikaw na may sariling isip,
May tindig, may pagkilos na kalakip.

Turan ko sa'yo, lahi mo'y darami,
Manganganak ang anak ng anak ng anak mo.
Tulad mo, sila ri'y tutula't magdarasal,
Para sa nararapat, ang kaginhaawa'y umiral.

Ikaw ay 'di magpapakabanal,
'Pagkat ikaw ay namulat sa lumang sistema.
Ikaw ay malugod na birheng magluluwal
Ng mga supling na tirignan kang wari'y tubig sa bukal.

Poem of an Anonymous

Your cat-like eyes,
And hair like mine,
The beanie covering the mind,
They say we're so alike.

I hunt your name on the paper,
Then I'd be drawn a bit later.
I read your poems,
While my spine gets shivers.

Can you put off those eyeglasses
So I may look straight at your iris?
Are you the silhouette of my fantasies?
Are you the long desired oasis?

Your name says it all,
That the East will be in no trouble.
You woke up the seed that fills my soul,
You made me feel I'm not a ghoul.

Can you take off that beanie hat
So on your head I may now pat?
Those long, wavy hair strands,
May I comb it with my bare tingling hands?

Seeing that night in my mind,
The moon gave its illuminating romance,
I guess I'll never have another chance,
To see a man's face that bright.

Those warm natural smile,
Pasted on your crescent profile.
Without staring back at me,
Already stopped that moment's time.

The stars twinkled,
My feelings mingled,
My mind, my heart, my soul,
Concurrently kindled.

And I will always adore you—
The manly version of me.
My eyes will always see you through.
You effortlessly give my life the brightest hue.

I wish seraphs would fall
So I can catch you even if I have to crawl.
I won't seize you, my angel, if that's your plea.
So you can fly high and be carefree.

google.com

Sunday, September 25, 2011

Big, Walking Mouth

google.com
You sing a song,
Though you don't know the melody.

You recite a poem,
Though you don't know the lyric entirely.

You utter to speak,
Though you don't know what to say.

You tend to write,
Though you can't think of any word.

You draw a portrait,
Though you can't imagine things.

You tell time,
Though you don't know numbers.

You teach people,
Though you haven't learned anything from life.

You want to share,
Though you didn't save any for your self.

You tend to listen,
Though you're only a big, walking mouth.

Thursday, September 22, 2011

Pakinggan Mo Para Digs!



     MUSIKA ― isang salitang sinasabi ng marami na bumubusog sa’ting kaluluwa.  “Food for the soul” ika nga sa inggles. Oo, tango naman ako sa pagpapakahulugang iyon. May kasama pang thumbs up. Para sa’kin naman, ‘yung musika eh nag-exist (and still existing) tulad ng iba pang species na namuhay kasabayan ng dinosaurs, for example, at na-extinct at nabura sa mundo no’ng pumalpak ang isa sa pinakamalaking fireworks display sa earth (bahala ka kung maniniwala kang meron nga). At ang musika ay isa rin sa mga species along with mareng lamok and pareng buwaya na natadhanang maka-survive sa trahedyang ‘yon (kung meron talagang ganung nangyari billions of years ago).

     Anyway, bago n’yo pa ako sabihang weird at baliw eh sasabihin ko na sa inyo na hindi ko alam kung totoong may dinosaurs na na-extinct at papaalala ko lang sa inyo na hindi isang uri ng specie ang musika. Kung baga, ginamit ko lang ‘yun para paguluhin ‘yung sarili kong pagpapakahulugan sa katagang musika. Eto lang naman ang gusto kong sabihin: Ang musika ay nauna sa tao at nariyan pa rin yan kahit deads na ang sangkatauhan. Ang musika ay naghuhulma, lumilikha, at nakapagpapabago ng tao ― that’s one from me!

     Okay. Balik matinong-usapan na tayo. So, ‘yun na nga, given na, food for the soul nga raw. Edi dapat lang pala na kumakain tayo ng musika na para sa’tin at akma sa t’yan natin para mabusog tayo, ‘yung totoong busog, ganon ba? Malamang siguro(?). Kasi ang hirap naman imagine-in na pusa ang kumakain sa damo, daga ang nginangatngat ng aso, at buto naman ang nginunguya ng kabayo. DISASTER. Ngayon, subukan natin i-apply sa totoong buhay. So, may super disaster pala na nangyayari dito sa Pilipinas? Kase, imbes na pagyabungin natin ang ating kultura through listening to our own music, kung anu-anong tugtugin pa iniindakan natin eh? Ang siste, we’re eating the wrong food, tulad nga ng pag-shuffle ng pagkain ng mga hayop na nabanggit sa itaas. And that would leave a great effect towards our culture; our nationalism. Bakit kaya hindi natin i-try tumikhim ng mga ulam sa buffet service na niluto ng mga brothers and sisters natin? Why not, ‘di ba?

     Digs na?/ba?

     Capital N.O.T.E. : HINDI KO SINASABING ‘WAG KAYO MAKINIG NG FOREIGN MUSIC. Hindi ko sinasabing ‘wag n’yo na kantahin ‘yung mga tsekwang soundtrip n’yo. Hindi ko rin sinasabing ‘wag na kayo bumili ng original album ng mga kantang kanluranin na ang tema ay: (excuse me for the term) LIBOG. At hindi ko rin iniuutos na tumigil na kayo sa pagpapantasya sa mga theme song n’yo ng mga jowa n’yo. Gusto ko mang sabihing ‘wag na kayo makinig ng ganyan, alam kong wala naman akong karapatan. Eh gusto n’yo ‘yan eh.

     Baka naman isipin n’yo, sinasabi kong wala kayong taste when it comes in choosing your kind of music. Kanya-kanyang shit lang naman tayo eh, and I respect that. Ang punto ko lang dito, aba putangina n'yo, pansinin n’yo naman ang OPM! Kahit ilang pirasong kanta, namnamin n’yo naman! Magpa-print din kayo ng lyrics tulad ng pagpapa-print n’yo ng lyrics ng isang kantang tungkol sa sex sa isang club. Bigkasin n’yo habang sumasabay kayo sa kanta tulad ng pagsabay n’yo sa koro ng kanta ni Miley Cyrus. Dibdibin n’yo ‘yung buong kanta ― lahat ng elemento/instrumento. Punta naman kayo minsan sa gig ng mga astiging OPM bands, ‘wag puro nood ng Glee sa cable. Sigawan n’yo naman na mahal n’yo ‘yung mga OPM artists katulad nung pagtili n’yo sa mga members ng Super Juniors.  I-rap mo naman ‘yung mga malulupit na litanya ni Gloc-9 at ‘wag puro kanta lang ni Bruno Mars. Appreciate naman natin at suportahan ‘yung totoong atin. At ang pinaka sa lahat, ‘wag n’yo naman sabihang pangit ang OPM kahit hindi n’yo tina-try na pakinggan muna ito. ‘Wag naman puro sa kanila.

     Tulad ng isang bata na nagseselos dahil puro ‘yung anak ng kapitbahay lagi ‘yung kalaro ng ate o kuya n’ya, jealous din ang industriya ng Original Pilipino Music sa mga ungas na ‘yan.

     Napakalawak ng mundo ng OPM. Dito, maraming musicians. Fucking great musicians! Who make fucking best, real music. Na hindi alam at hindi kilala ng marami sa atin, which they don’t deserve. ‘Yung mga kantang Pilipino na naririnig n’yo sa radyo o napapanood sa Myx? Hindi lang ‘yan. There’s more behind the curtain. Hanapin n’yo lang.

     Kung hindi mo pa rin gets ang mga sinasabi ko dito, madi-digs mo rin ako ‘pag nahanap at napakinggan mo na ‘yung totoong music para sa’yo. Parang true love lang ‘yan eh. Hanap ka ng hanap, puro mali naman inaakala mo. ‘Yun pala, ‘yung kaklase mong uhugin nung elementary ‘yung true love mo. Pero ‘wag ka teh, gandang-lalaki na s’ya ngayon.

     Naranasan mo na bang ma-sexy-han sa bass riffs ng isang kanta? Naranasan mo na bang matulala habang nakangiting pinapakinggan ang hayop na guitar riffs sa bridge ng isang tugtog? Naranasan mo na bang mapa-air guitar dahil sa siksik na rhythm ng isang awitin? Eh ang mapa-break dance sa astig ng pagkaka-scratch ng turntables? Mapapikit sa bawat ihip sa saxophone sa isang kanta? Mapaindak sa bawat palo sa djembe ng perkasyonista? Mapaindak sa pagpindot ng pianist sa piano n’ya? Tapos mapapasabay kang kumanta sa bokalista ‘pag lahat perpektong sumasabay at gumagawa ng magandang musika. Mangingilabot ka na lang bigla siguro dahil sa pagka-swabe ng kanta, o pwede rin dahil sa malupit na letra, o pwede rin dahil sa damdaming ng kumakanta. At pwede ring mangilabot ka na lang na hindi mo alam ang dahilan. ‘Yan ang award mo. Lahat ng ‘yan pwede mo maranasan sa pakikinig ng OPM. I guarantee you. Kung sasabihin mong hindi mo naranasan after mo makinig, pakamatay ka na.

Tell me the music you listen ….. AND I TELL YOU MINE!!!!

DIGS!
Djembe
Google.com

Tuesday, May 24, 2011

Ang Bahag-hari ng Hari

(monologo ng isang tinig)

Naniniwala naman ako sa'yo eh. Kaso, masyadong mataas ang pride ko para makiusap sa'yo na 'wag mo nang iparinig pa sa akin ang mga hinala at kaba nila. Nalalason 'tong utak ko. Dati na nakahiga at komportable ako sa'yo, ngayon nga eh nakaupo na at gusto ko nang sundan ang mga boses sa labas. Kantahan mo naman ulit ako oh. Sige na. . . nang antukin muli at humimlay sa kanlungan mo.

Hindi ko kayang magsumamo at umiyak sa harap mo para humingi ng tawad sa mga pagkakamali ko. Baka sabihin mo kasi, tuwing may kailangan lang ako ume-epal sa'yo. Baka isumbat mo pa na natatakot na 'ko tsaka nawawalan na ng tiwala sa'yo. Baka isipin mo, naninigurado lang ako. Playing safe ba, ika nga.

Totoo naman 'yung sa mga kulay 'di ba? Na t'wing nagkakaroon non eh ibig sabihin, hindi mo pa nalilimot 'yung pinangako mo. 'Yun 'yung tanda 'di ba, sabi mo? 'Pag ikaw, hindi tumupad sa usapan, hindi na TALAGA ako maniniwala sa salitang 'PANGAKO'. Ang dami na kasing nandudugas gamit 'yung salitang 'yun eh. Pero 'wag ka mag-alala; kailanman, hindi ko naisip na mandurugas ka. Ikaw pa! Malakas ka sa'kin.

Sige, sa susunod na lang ulit. Sa panahong 'yun eh kekwentuhan na lang kita tungkol sa pitong kulay na 'di kumukupas sa ganda na katulad pa rin ng dati.

http://kjy0517.blogspot.com/2010/07/relax.html?zx=e17c78d717bb8c14

Friday, April 29, 2011

A Day of Camouflage

http://www.stinkypalace.com/camouflage-masters/
                          
    “One of my favorite clothing patterns is camouflage. Because when you're in the woods it makes you blend in. But when you're not, it does just the opposite. It's like "hey, there's an asshole."” – Demetri Martin

    In every day of reality, we oftentimes mix and associate with other individuals with different personalities. In order to jive in with those labelled people, we innocently adopt their likes and interests. Then, what will happen next? We'll end up losing our own opportunity to express our own identity and self. We'll end up LABELLED. It's fine to be curious about what others do and want to do. But being curious is enough. By choosing to ditto the trend, we'll lose the chance of life. No, no. I mean, the chance to CHOOSE for our life.

    You're an individual. You're unique. Heed your self first.

    As you join the society, don't be blown by the wind. Don't camouflage yourself with the background. Make yourself the subject of the background. Build your own identity. Make your own color.

    Don't worry. Discovering and showing your gutts to the world do no harm as long as you won't step on to somebody. It feels great when you discover as you explore your own accords. Fight the war with your own armor and sword. Burst yourself into different bright hues.

     You might be surprised of what colors you might be. (",)   

    "He's battling... he's fighting every day. There's no effort to camouflage or hide anything." - James Whigham

Tuesday, March 15, 2011

Fire Vs. Fire; Diamond Vs. Diamond

http://abnormalminds.blogspot.com/2010/08/2.html
"We are both the light; — the foundation of heat — undoubtedly. We caress ourselves with our own heat — we are warm toward each other — yet, I can ignite graciously with my own flames and same goes to you. We are naturally enthusiastic — always excited and interested at everything. And because we are both fires, we're typically, ALWAYS, ready to rage and ready to burn even against one another. I know that I blistered you very bad but your flame grows wilder which scalded me even more. I am so sorry I kindled the wick of our warm and receptive friendship. And I'm sorry because I'm just a fire — like you — and I wish I am not one. You can't fire with fire. I'll wait 'till I freeze and when that time came, I'll let your warm hands melt the ice surrounding  me so we can again light up and ignite our passion at everything."


Cooling down,
FIRE 


http://adamworld.onsugar.com/tag/gemstones
"Precious we are, indeed. Invulnerable we are, it seems. Deep down the core, we hide ourselves to conceal the shining beast. With the sunshine, we glamorously shimmer. While under the night sky, we twinkle like those stars from above. Well, let's say you shine more than me but I'm much bigger than you. After you cut my vain surface, all I thought to do is grit my teeth. Disdainful as it really seems but it's just the way it is. Diamond once scratched is still the same diamond from before. But then, my fortitude weighs more than my own self and that spirit treasures you so much that I choose to bury myself — the diamond — deep down under the ground again just to see you shine even brighter. I'm not going to cut you; you yourself will. And when you learn how to hurt yourself, that time, I'll dig myself out of the ground and together, we'll shimmer in the morning and twinkle in the evening for the second time.


Your humblest buddy,
DIAMOND


Monday, March 14, 2011

Pakiusap, 'Wag Kang Iiyak

http://flickr.com/photos/kamalayan/3099322252/
Para sa aleng nagtitinda ng yosi at kendi; pakiusap, 'wag kang iiyak 'pag bumili ako sa'yo ng sigarilyo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang nagsasabing hirap na hirap ka na sa'yong buhay. 'Wag kang iiyak habang nagsasabing sana'y mapalaya ang nabilanggo mong anak dahil sa droga. 'Wag kang iiyak habang nagtatanong sa akin kung kailan mababago ang ikot ng mundo. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.


http://bbs.zcpk.com/showthread.php?t=175694&page=2
Para sa lolong namamalimos sa gilid ng kalsada; pakiusap, 'wag kang iiyak 'pag nadaanan kitang nakaupo sa lapag. 'Wag na 'wag kang iiyak habang nanlilimos sa akin at sasabihing hirap ka nang magpanggap na lumpo upang makapanlimos. 'Wag kang iiyak habang sinasabi sa akin na nilamon mo na ang hiya mo para lamang mapakain ang pitong maliliit mong anak. 'Wag kang hihikbi sa harap ko habang isinasalaysay mo kung gaano nasayang ang oras at lakas mo sa paghahanap ng mga trabahong itinatakwil ang edad at pinag-aralan mo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang itinatanong sa akin kung kailan maglalaho ang diskriminasyon at mga mapanghusgang sistema sa lipunang ito. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.


http://flickrhivemind.net/User/jojopensica
Para sa batang paslit na nangangalakal ng basura upang makahanap ng mga kalakal at mga tirang pagkain; pakiusap, 'wag kang iiyak kung magtama ang mga paningin natin. 'Wag mo akong lalapitan na ika'y umiiyak at magsusumbong sa akin kung paanong 'di patas ang mundo sa iyo. 'Wag na 'wag kang iiyak habang inihahayag na ika'y gutom na gutom na ngunit walang maipangkain. 'Wag kang hihikbi sabay ng pagsabi mo na maski ang sarili mong amoy ay isinusuka mo na. 'Wag mong ipakita ang iyong kawalang pag-asa na matupad ang pangarap mong makapasok sa eskwelahan. 'Wag mong ipakita ang mugto at lumuluha mong mga mata habang itinatanong sa akin kung habang buhay ka na lamang ba na magkakalkal ng basura. 'Wag kang iiyak habang sinasabing mas gusto mo nang masilayan ang paraiso sa itaas. Pakiusap, 'wag mong sabihin na gusto mo nang takasan ang buhay. PAKIUSAP, 'WAG KANG IIYAK.


Pakiusap lang, 'wag na 'wag kayong iiyak sa harapan ko habang sinasambit ang mga saulado ninyong mga hinaing na may kasamang mapapait na mukha. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. At hindi ko sigurado kung may magagawa ako.


Ano ba'ng bilin ko sa inyo?! Hindi ba't sabi ko, 'wag kayong iiyak? Ano'ng nakikita ko ngayon sa inyong mga mata? Sunud-sunod na hikbi at iyak ngunit walang pumapatak na mga luha.


TAMA NA. Tumahan na kayo. 'Wag na kayong umiyak. Dahil ang magagawa ko lang din ay umiyak para sa inyo.


PAKIUSAP, 'WAG KA NANG IIYAK.





Wednesday, March 09, 2011

Ang Payatas at ang Asawa ni Nonoy

(MUNTING DAYALOGO NG MGA SAMID SA KALAMANSI)
(PARA KAY MAGIC AT SA MGA PILIPINO)
http://www.pinoyexchange.com/forums/showthread.php?t=435247&page=129

NONOY: Pare, kamusta na pala ang asawa mo?

DYOGRAD: Ayun! Panay ang bangayan namin! Pa'no ba naman kasi, panay ang duda! Panay ang sumbat! Panay ang bunganga! Akala mo naman kung sinong putang'nang maganda!

NONOY: Tsk! Pare, ilang dekada na ba kayong kasal? Ilang siping na ba ang pinagsaluhan n'yo? Ilang supling na ba ang pinalaki n'yo? Parang hindi n'yo naman kilala isa't-isa. Para kayong bagong kasal.

DYOGRAD: Ewan ko ba p're! Habang tumatagal, lalong lumalala. Eh ako, alam mo namang ayaw ko'ng papatalo 'di ba? Kasi nga, ako naman ang tama. At saka, WALA NANG ASIM PARE!

KORO: BWAHAHAHAHAHAHAHAHA!
 
NONOY: 'Wag ganun Dyo! Hindi naman yata tamang basehan ang kaasiman pare! At saka, SIGURO, minsan pakinggan mo rin 'yung sinasabi n'ya. Hindi lang sarili mo ang kinakausap mo. Hindi lang ikaw ang taong may isip dito sa mundo.

DYOGRAD: Ewan ko! Basta alam ko, tama ako! Naku, sino ba naman ang gaganahan sa asawang hindi na nag-aahit ng buhok sa kili-kili? HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!

NONOY: ..........

DYOGRAD: Ikaw lang pare! Masyado kang anghel! Ni isang hakbang, hindi mo naranasan sa loob ng beerhouse! Ewan ko ba sa'yo! Mukha rin namang wala na ring asim ang misis mo.

NONOY: ..........

DYOGRAD: ..........

NONOY: P're, hindi ko talaga alam kung bakit. Korni man sa pandinig, pero mahal ko talaga ang misis ko.

DYOGRAD: Mahal ko rin ang misis ko. Ano ka ba naman Noy!

NONOY: ..........

NONOY: 'Pag sinabing mahal mo ang isang tao, ang kariktan n'ya ang ligaya mo; ang kabahuan n'ya ang lakas mo. Kahit ano'ng amoy ng mahal mo, sisinghutin mo na parang umaamoy ng halimuyak ng mga rosas. Kahit ano'ng ingay at garalgal ang boses n'ya, pakikinggan mo na parang isang musika. Ganun ang pagmamahal. Para sa akin.

DYOGRAD: ..........

NONOY: ???

NONOY: Pare, ang haba ng sinabi ko. Wala man lang bang palakpak d'yan?!

DYOGRAD: (singhot-singhot)

NONOY: ??!!

NONOY: Pare, UMIIYAK KA BA?!

DYOGRAD: (singhot) Pare, tinamaan ba ako sa sinabi mo o lasing lang ako?!

KORO: HAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!

NONOY: O pare, shot mo na kanina pa! Buro na 'yang alak oh! Teka, paubos na pala 'to. Papabili pa 'ko kay Buboy.

-WAKAS-


Sunday, March 06, 2011

Kalansing



Gandang ganda sa panahon si Pochoy ngayong araw. Eksakto pa man din, kagagaling lang n’ya sa eskwela. Pagbaba ng bitbit n’ya, kinuha n’ya rin agad ang malaking payong sa likod ng pintuan nila.
“Ma, magpapayong lang po ako d’yan sa mall!” sigaw ni Pochoy sa inang nagsusuyod ng buhok.
“Sige ka nanaman bata ka ha! ‘Wag kang iinda-inda sa akin ‘pag nagkasakit ka ha!” nanlalaki ang mga butas ng ilong ni Aling Choling habang sinisigawan ang anak.
“Sinong isasama mo?!” dugtong agad ng ina.
“Tatanungin ko po si Kamote kung sasama!” sagot naman ni Pochoy.
Sigawan ang sagutan ng mag-ina. Ngunit hindi dahil galit sila sa isa’t-isa ngunit dahil sa lakas ng ulan. Tinatalo ng langitngit ng ulan sa bubong ang mga boses nila.
“Tang’na Pot-pot ha! ‘Wag kang papasok ng putikan dito sa bahay! Kakalinis ko lang!”
Pocholo na naging Pochoy. Pochoy na naging Pot-pot. Ganun ang mga palayaw na tinatawag kay Pochoy. Si Pochoy na iniwan ng ama. Si Pochoy na labingtatlong taong gulang. Si Pochoy na kumikita tuwing umuulan at naglalaro tuwing umaaraw.
“Pasabit na lang po ‘yung tuwalya sa may pinto. Hihina na ‘yung ulan oh! Tuloy!” pagtatapos ni Pochoy sa usapan nilang mag-ina.
Paglabas ng pinto, tumapat kaagad s’ya sa alulod na parang talon kung makapaghulog ng tubig-ulan. Itinapat n’ya ang buong katawan at nabasa s’ya agad malipas ang ilang segundo.
Patakbo-takbo, palundag-lundag, bitbit ang nakatikom na payong, tinungo ni Pocholo ang kalapit na barung-barong upang anyayahan ang ututin n’yang kaibigan na si Kamote. Parati silang magkasama nito tuwing umuulan. Magpupunta sila sa kalapit na mall at mag-aalok ng sukob sa mga bisita. Sakto lang naman ang kita. Sakto para sa labingtatlong taong gulang na pag-iisip.
MOTEEEE!” humihiyaw na tawag n’ya sa kaibigan. Walang sumasagot.
Inulit pa n’ya ulit ang pagtawag, “KAMOTEEEEEH!
“BULAGA!”
Gulantang si Pochoy sa pakana ng kaibigang ututin. Tumambad sa mata n’ya ang payat at negrong katawan ng kaibigan. Sanay na s’ya rito. Tuwing maaraw kasi, nagpapadyak ang kaedad na kaibigan. Tuwing maulan naman, nagpapayong sa tapat ng mall. ‘Di tulad n’ya, hindi na ito nag-aaral. Nahinto na si Kamote matapos ang ikalawang taon nito sa elementarya.
“Tae ka talaga! Lakas ng trip mo Kamote!” singhal ni Pochoy.
“HAHAHA! Ang laki pa rin ng mata mo simula kanina. Takot na takot ka siguro ano? HAHAHA! Joke lang ‘yun! T’ra na! Titila na ‘yung ulan, sige ka.” pangbawi ni Kamote.


“Ate, payong?”
“Payong, ‘teh?”
Ate, kuya, payong oh!”
Umiikot sa mga katagang ‘yan ang liriko ng mga batang nandoon. May babae, may lalaki, may napakabata. Lahat sila, nagtitipon-tipon sa harap ng main entrance ng mall. Bawat taong lalabas doon, kung walang payong, ay kukulitin nila. May mga todo kayod, may mga petiks lang. May mga makukulit mang-alok, may mga tamang tanong lang.
Ang sistema, kung nakakuha ng kostumer ang bata, papayungan ito ng paslit hanggang makarating sa sakayan. ‘Di bale nang basa si bata, basta hindi mabasa si kostumer. Para nga naman may tip, syempre.
“Aba! Kaunti lang nagpapayong oh! Swerte!” sabi ni Kamote sa kasama.
“Bilisan mo na Mote, baka dumami pa ‘yang mga ‘yan.” ismid ni Pot-pot.
Takbo ang dalawa para salubungin na ang mga palabas na tao.
“Ate! Payong!” alok ni Pochoy.
Isnab ang etchoserang babae.
“Te! Te! Payong po!” alok n’ya ulit sa isa pang babae.
Hindi s’ya ulit pinansin. Maya-maya, tumingin ito sa kanya.
“Magkano ba hanggang ‘don?” itinuro ng dalaga ang sakayan ng dyip.
“Doon? Lima lang ‘dun ‘Te. ‘Di ka mababasa. Laki ba naman ng payong ko eh.” biro ni Pochoy.
“Sige. Tara.” sang-ayon ng babae.
Nakarating na ng sakayan ang Ate. Dali-dali itong sumilong para makakuha ng pangbayad. Binigyan s’ya ng dalaga ng buong dalawampung piso. Nagulat s’ya.
“Ate, wala po ba kayong barya? First trip pa lang kasi kita eh.” magalang na tanong ni Pot-pot.
“Wala eh. Sige sa’yo na ‘yan. Umuwi ka na lang sa inyo.”
“Salamat Teh! Sa uuliten!” takbo ni Pochoy pabalik sa harapan ng mall. Baka kasi magbago pa ‘yung isip ng babae.
Pagbalik n’ya, payabang s’yang lumakad papunta kay Kamote habang pinapamaypay ang bente sa kanyang mukha. Napangiti na lang ang kaibigan.
Nagpatuloy ang paglalim ng gabi ngunit hindi pa rin tumigil ang malakas na ulan. Nangangatog na silang magkaibigan.
“Pochoy, uwi na tayo! Nangangatog na ‘ko. Nariyan na rin sila Buwi. E-epal lang ‘yang mga ‘yan eh.” aya ni Kamote kay Pochoy.
“Tara Mote. Limpak na naman kinita ko eh.”
Magkasama ngang umuwi ang dalawa. Parehong masaya sa kinita. Parehong nilalamig ang patpating katawan. Parehong nangangatog. Parehong sabik ipagyabang ang kanilang pinaghirapan sa kani-kanilang nanay.


Ika-walo na ng gabi nang makauwi sa bahay si Pochoy. Huli na rin nang malaman n’yang basa pala s’yang pumasok sa loob ng kanilang tahanan. Sa isipan pa lang n’ya, nagigimbal na s’ya sa pagbubungangang ibubungad ng kanyang nanay.
“Patay…” nasabi n’ya sa sarili.
Lumabas na nga ang nanay n’ya mula sa maliit na kwartong tinatakpan ng kurtina.
“OH! PUTRAGIS KA TALAGANG BATA KA!” bungad nga ng kanyang ina.
“Ang kunat ng ulo mo ano?!” hinila ni Choling ang patilya ng anak patungong banyo. “Hala! Magbanlaw ka na! Baka magkasakit ka pa! Perwisyo ka talagang bata ka! NAKUUUU!”
Maswerte yata s’ya. Mabuti, hindi s’ya pinaghahampas ng hanger ng nanay n’ya.
“Ano kayang nakain n’un?” tanong n’ya sa sarili habang nagsasalok ng tubig mula sa drum na pinuno n’ya ng tubig kaninang umaga.


Kinakaskas mabuti ni Pochoy ng tuwalya ang kanyang buhok matapos magbihis sa loob ng kuwartong natatakpan ng kurtina. Nadatnan n’ya ang kanyang ina na nakasalampak sa upuang ipinama ng kanilang kapitbahay habang nanonood ng telenobela sa telebisyong ipinamana naman ng kanyang ninong.
“Kumain ka na Pocholo. Liempo ulam.” banggit ng kanyang hupak na nanay. Hindi banaag sa pananalita na galit ito.
“Bakit masarap ulam ‘Ma?” usisa ni Pocholo.
“Tumaya ako ng jueteng kanina kay Poroy. Naswerte ng tatlong libo.” normal nitong sagot habang nakatitig ang mga mata sa telebisyon.
“Swerte ah! — AYYY!” naalala ni Pochoy ang kinita n’ya kanina.
“Kumain ka muna Pocholo!”
“Teka lang Mama!”
Kinuha n’ya sa banyo ang naiwan n’yang supot ng barya. Umupo s’ya sa lamesa at sinabog ang mga ito. Kalansingan. Nagsimula na s’yang magbilang.
Five, ten, fifteen, twenty, twenty-five, thirty...” inumpisahan n’yang bilangin ang tiglilimang piso.
“95.00! Ang laki!” bulalas ni Pochoy matapos bilangin lahat ng barya sa supot.
“Meron pa pala akong bente sa bulsa kanina.” naalala n’ya ang unang binayad sa kanya ng babae. “Mama, saan ‘yung short na basa?”
“Nakasampay sa banyo.”
Tatlong hakbang ang nagawa n’ya papasok sa kanilang mumunting banyo. Agad n’yang isinuksok sa bulsa ng kanyang basang salawal ang makalyo n’yang kamay. Nakapa n’ya ang basang bente pesos.
“Ayun!” ismid n’ya.
“Mama, 95 plus 20?” tanong n’ya paglabas ng kubeta.
“105.00” sagot ni Choling. “115.00 pala!” mabilis na bawi nito.
“Ayos! Mama, bili ako ng RC. RC tayo.” atat na si Pochoy.
“Bahala ka.”
Nananakbong umuwi si Pochoy bitbit ang malamig na bote ng RC. Dumiretso s’ya sa kusina na nasa likuran lamang ng upuan ng kanilang sala-salaan. Nagsalin s’ya ng inumin sa dalawang baso at ipinatong ang mga iyon sa inuupuan ng ina. Bumalik s’ya sa lamesa para magsandok ng kanin at ulam.
“Mama, kumain ka na?” tanong ni Pochoy sa ina.
“Oo. Ubusin mo na ‘yang kanin d’yan.”
Sumalampak ng upo si Pocholo sa sahig para makinood sa telebisyon habang kumakain. Sibang-siba ang bata sa paglamon dahil masarap ang ulam. Maya-maya, makakatulog na ang mag-ina.


Naglalakad si Pochoy papuntang mall. Hawak niya ang malaking payong. Nagtataka s’ya. Maganda ang sikat ng araw ngunit bakit dinadala s’ya ng kanyang paa sa harapan ng mall? Nakatayo na s’ya sa tapat ng entrance. Takang-taka s’ya. Walang lumalabas-pasok sa naturang gusali.
Biglang kumulimlim ang langit. May naririnig s’yang malakas na pag-agos ng tubig. Nagulat s’ya sa paglingon n’ya sa kanyang likod. Paparating sa kanya ang malaking alon ng tubig. Handa na s’yang sakluban nito. Maya-maya, naramdaman n’yang nilamon na s’ya ng tubig. Basang-basa ang kanyang katawan.
“POCHOLO!!!!” singhal ni Aling Choling sa kanyang anak.
Niyuyugyog na n’ya ang anak na naihi na sa salawal. Umuungol ito ng napakalakas. Ungol ng pagkatakot.
“Aaaaaaaaaaah!!!!!!” isang malakas na sigaw ang pinawalan ni Pocholo. Dilat ang mga mata nito. “Mamaaaaaaa...” humihikbi na ang paslit.
“Putris ka! Kitamo, inaapoy ka ngayon ng lagnat! Ang tigas kasi ng ulo mo!” sermon ng kanyang ina. “Tigil-tigilan n’yo na nga ‘yang kalokohan n’yo ni Kamote! Napapahamak ka lang d’yan eh!”
Nangangatog si Pocholo. Tumikas s’ya para kumuha ng salawal pamalit sa naihian n’ya kanina. Pinalitan n’ya ang basang sapin. At nahiga ulit.
“O, inumin mo ‘tong Biogesic. Nagpalit ka na ba ng short mo?” usisa ni Choling.
“Opo.” ang tanging naging sagot ng bata.


“Pot-pot. Uy, Pot-pot. Gising na.” mahinahong gising ng kanyang ina.
“Bumili akong lugaw. Kumain ka na. Iinom ka pa ng gamot. Hindi na kita maaasikaso mamaya, maglalaba na ako kila Aling Beth.”
Lampas normal pa rin sa temperatura ang init ni Pochoy. Masakit ang kanyang ulo at katawan. Pinilit n’yang bumangon para sundin ang pakiusap ng ina.
“Pagkakain mo, uminom ka na agad ng gamot. Tapos, magpahinga ka na ulit.” mahinahon na sambit ni Choling.
“Aalis na ako. Dadalhan na lang kita ng tanghalian mamaya.”
“Magpagaling ka, anak.”


Isang tipikal na ina si Aling Choling. Masungit, mabait. Mahigpit, mapagalala. Mahal na mahal n’ya ang kanyang anak na si Pocholo dahil malamang, ito’y anak n’ya at ito na rin ang matuturing n’yang kayamanan. Iniwan na sila ng ama ni Pocholo dahil sa malaking pagkakamali ni Choling.
Nalulong sa sugal ang dating maybahay. Halos hindi na n’ya naalalang may asawa’t anak pala s’ya. ‘Yon ang naging mitsa ng relasyon nilang mag-asawa.
Huli na ang lahat nang nagising s’ya sa realidad ng buhay. Inulila na silang mag-ina nang tuluyan ng kanyang asawa. Mula noon, pinilit n’yang mag-bago para sa nag-iisa at natitira n’yang kayamanan sa mundo. Pero mukhang bumabalik na naman ang dati n’yang sakit. Sakit na inililihim n’ya sa anak.


“Spongebob Squarepants, Spongebob Squarepants, Spongebob Squarepants!!!!!”

Tunog iyon ng telebisyon. Nanonood kasi si Pochoy. Maiigi na ang pakiramdam n’ya kaysa kaninang umaga.
Grrrrrr.” tunog naman iyon ng sikmura n’ya. Nagugutom nanaman s’ya. Mabuti na lang at marami pa s’yang pera mula sa kinita n’ya kahapon. Lalabas s’ya ng bahay upang bumili ng laman-tiyan sa kalapit na tindahan.
Sa daan, nakita n’yang paalis na ang kaibigang si Kamote upang mamasada ng kanilang pedicab.
“Kamote, pasabit nga hanggang kila Mang Toto.” angas n’ya sa kaibigan.
“Balita ko, nagkasakit ka ah? Weak ka pala eh. Hindi mo ‘ko gayahin.” yabang naman ni Kamote habang nagpapadyak. Nakasabit naman si Pot-pot sa likod.
“Sabi nga ni Mama, ‘wag na raw tayo mag-payong eh.” malungkot na sambit ng bata.
“Sayang naman... Hayaan mo na, pa-good shot ka muna. Masyado kasi tayong nababad nung nakaraan.” pagaalala ng kaibigan.
“Sige Mote, dito na lang. SALAMAT!” pagpapasalamat ni Pochoy sa kaibigan.


Maganda ang sikat ng araw ngayong hapon. Nakatingin sa labas ng silid-aralan ang estudyanteng si Pochoy. Napansin n’yang may tumawag sa gurong nagtatalakay sa harap. Lumabas ito ng pinto at maya-maya’y bumalik muli.
“Pocholo, may naghahanap sa iyo sa labas.” anang guro.
Takang lumabas ng kwarto si Pochoy. Pagkalabas, bumungad sa kanya ang balisang si Kamote.
“Oh! Mote, bakit ka ─”
“Pochoy, ang nanay mo raw, hindi makahinga!” bulalas ni Kamote.
“Ma’am! Uuwi na po ako!”  bitbit na ni Pochoy ang anim na taong gulang n’yang bag. Hindi na s’ya nagpaliwanag pa sa windang na guro.


MA!” eksaheradong tawag ni Pochoy nang makarating ng kanilang barung-barong. Hinanap kaagad ng kanyang paningin ang ina.
Nakita n’ya itong hapung-hapo habang nakaupo sa sofa na pamana nga ng kanilang kapitbahay. Nanonood nanaman ito ng kinawiwilihang telenobela sa hapon.
“Oh? ─Ang─aga─mo? ” pagal na tanong ni Choling
“Tinawag ako ni Kamote sa iskul. Hindi ka raw po makahinga.”
“Maayos─na ako! ─ Naku! Si─Kamote talaga, ─nakita─lang na─hinihika ako, ─napaka-OA na!”
“Eh bakit po kayo hinihika? Hindi naman kayo hinihika dati ah.”
“Natural lang ‘to. ‘Wag kang─mag-alala.” pinilit na magsalita ng normal ni Aling Choling.
Wala nang kinibo si Pochoy ngunit sa loob-loob n’ya, labis s’yang nag-aalala para sa nag-iisang ina. Todo-kayod kasi ito para kumita ng pera. Linggu-linggo, tumatanggap ito ng labada. Sideline naman nito na maging street sweeper. At ngayong nakaraang linggo, nagsimula na itong mangubra ng jueteng na ipinayo lang naman daw ng kakilalang si Poroy. Ito rin ang madalas gumagawa ng mga gawaing-bahay na hindi pa kayang gawin ni Pocholo.


Pinagmamasdan ni Pochoy ang ginagawa ng ina. Nakayukyok ito sa lamesa at nagsusulat ng mga numero sa tinutuping papel. Maya-maya, nagbibilang na ito ng pera.
“Ma, para saan ‘yan?” usisa ng anak.
“Nagpapataya na ako ng jueteng. Nagagalit na si Aling Remi sa kabila, hindi na raw tayo nagbibigay ng pang-kuryente. Kulang kinikita ko sa labada eh.” prangkang sagot ng ina.
“Di po ba, nagkahulihan kila Poroy n’ung isang araw? Pa’no po ‘pag nahuli kayo?”
“Hindi ‘yun. ‘Yung mga nahuli, pinawalan agad. Si Mayor kaya may hawak ng jueteng dito sa atin.” paliwanag ni Choling.
“Ma,” pauna ni Pochoy.
“tama na ‘yang sugal-sugal.” tulalang sambit ni Pochoy.
Hindi ipinahalata ni Choling na nahihiya s’ya sa pinakawalang mga salita ng anak.
“Pangkain mo ‘to. Pang-aral. Pang-buhay.” pahayag ng ina at tuluyan nang umalis ito.


Lumipas ang oras. Palubog na ang araw. Wala pa ring Choling ang lumilitaw sa bahay nila Pocholo. Nag-aalala na ang musmos na bata.
‘Nasaan na kaya si Mama?’ isip ni Pochoy.
Pumunta si Pot-pot sa bahay nila Kamote. Inaya n’ya itong hanapin ang nanay n’ya.
“Mote, s’an kaya si Mama?” tanong ni Pocholo.
“Saan ba raw s’ya magpupunta?” sagot na tanong ni Kamote.
“Alam ko, magre-remit ‘yon kila Poroy eh.”
“Tara! Doon muna tayo.” inakbayan ni Kamote ang kaibigan.
Habang naglalakad sila papunta kila Poroy, nag-uusap silang magkaibigan tungkol sa iba’t-ibang bagay.
“Mote, natatakot ako. Baka kasi maadik nanaman nanay ko sa sugal eh.” matamlay na sambit ni Pocholo.
“Pot-pot, malaki na ‘yang nanay mo… Alam na n’ya mga gagawin n’ya.” pagmamarunong ni Kamote.
“Madalas, mas nakakalimot na ang mga matatanda sa tama at mali.” biglang nasabi ni Pochoy sa kaibigan.
“HAY NAKO. Sentimyento ka nanaman Parekoy. ‘Yan ba itinuturo sa eskwelahan?” pagbibiro ni Kamote. “Mabuti pa, hilahin mo na lang ‘tong hintuturo ko.”
“Ha? Ba’t ko hihilahen?” takang-taka si Pochoy. Nginitian lamang s’ya ng kaibigan. Wala s’yang nagawa kung hindi sumunod sa utos ng kasama. Hinila n’ya nga ang hintuturo nito.
‘PRRRRRRRRT!!!’ umutot ang ututing kaibigan. Kumamada nanaman ito ng masamang enerhiya.
“GAMOTE GA TALAGA! WALAG GIYA KA!” ngongong bulyaw ni Pocholo habang pinipisil ang ilong.
Saktong nasa tapat na sila ng compound nila Poroy.
“Pochoy, ako na papasok. Ako na titingin kung nand’on mama mo.” hirit ni Kamote.
“Sige Mot.” sang-ayon n’ya.
Limang minuto.
“Pot! Wala eh. Nakaalis na raw.” bigong pahayag ni Kamote.
“Tara Mot, punta tayo kila Aling Beth. Baka nakipag-chismisan lang si mama doon.” may pag-asang sabi ni Pochoy.
Palatak ang tawanan ng dalawa habang naglalakad papunta kila Aling Beth. Muntik pa silang lumagpas sa punteryang bahay. Sinilip muna ng negrong si Kamote ang gate bago tumawag.
“Tao po?” si Kamote.
“TAO PO…” duet ng dalawa.
Dumungaw sa bintana ang isang matandang mukha. Maya-maya pa ay may nagbukas na nga ng pinto.
“Oh. ‘Di ba, anak ka ni Choling?” pambungad ng matanda na marahil ay si Aling Beth.
“Opo. Napadaan po ba dito si Mama?” tanong ni Pochoy.
“Ha? Sa sabado pa ang laba ng nanay mo!” malakas ngunit mabait na pagtugon ng matanda.
“Ay… Sige po, salamat!” pamamaalam ni Pochoy.
Agad na humarap si Pochoy sa kasama.
“Mote, baka nasa sugalan si Mama. Punta tayo.” unti-unti na s’yang nananamlay.
Walang nasabi ang kasama at sumunod na lamang sa kaibigan.


Kuha ni Romina mula sa kodak ni Jessica Ferrera
Tahimik ang compound kung saan nakapalibot ang mga taong may hawak ng baraha. May sapin ang kwadradong lamesang may baraha, pera, yosi at alak. Nakakunot ang kilay ng mga taong nakaupo. Halatang seryoso. Hindi magpapatalo.
Sa siwang ng gate, may dalawang batang nakasilip. Iyon ay sila Pochoy at Kamote. Nahanap na nila ang taong kanina pa nila hinahanap. Dismayado si Pochoy sa nakita. Nalulungkot ang kaninang masiglang damdamin nito.
“Kakausapin mo ba nanay mo Pot?” si Kamote iyon.
“H’wag na. ‘Wag na natin silang istorbohin.” diretsong tugon nito.
“Tambay na lang tayo Pot. RC tayo. LIBRE KO!” pakunswelong pahayag ng mabait na si Kamote.
“Tara Kamote.”


Masibang nagmemeryenda ang dalawa sa tindahan ni Mang Toto. Bigla, may narinig silang isang pamilyar na musika: UMUULAN. Nagkatinginan ang dalawa at katulad nina B1 at B2 ay alam na nila ang iniisip ng isa’t-isa.
“Punta tayong mall Pot. Sandali lang. Hindi tayo magbababad.” nakangising wika ni Kamote.
“Tara. Ang tagal ding hindi umulan. Nakaka-miss magtampisaw.” sabik na aya ni Pocholo. “Kaso, baka pagalitan ako ni Mama.”
“Nasa sugalan naman eh. Hindi ‘yan!” pagpilit ni Kamote.
Gaya ng ipinagdasal ng dalawa, lumakas ang ulan. Ulan na walang kasiguruhan. Ulan na unti-unting mawawala. Walang kamalay-malay ang lahat na maraming mawawala kasabay ang pagtila ng ulan.


Maswerte nanaman ang tyempo nilang magkaibigan. Kakaunti lang ang nagpapayong noong gabing iyon. Mabuti at wala ang sigang si Buwi na halos lahat ng kostumer ay inaangkin.
“Mote, magkano nanaman kaya kikitain natin?” nangingislap na mga matang sambit ni Pochoy.
“Hindi rin siguro malaki. Gabi na eh. Pasara na rin eh. Tara, kayod na tayo.” suhestiyon ni Kamote.
Madalang ang lumalabas na mga tao. Nakayukyok sa gilid ang batang si Pochoy. Maya-maya, may isang pamilyar na mukha ang lumabas ng gusali. Nilapitan n’ya ito.
“Ate, payong ka ulit?” sabi n’ya sa babaeng hindi pa n’ya nakakalimutan.
“Di ba, ikaw ‘yung nag-payong din sa’kin dati? ‘Yung binigyan ko ng bente?” sambit ng dalaga.
“Hehe. Opo, ako. Libre ka na ngayon ate! Tara! Saan ka ba?” pag-aalok ni Pochoy.
“Dun ulit sa sakayan ng dyip. Sigurado ka, walang bayad?” paninigurado ng babae.
“Oo naman ate! Basta sa susunod, sa’kin ka papayong!”
“Sige ba!”
Binuksan na nga n’ya ang payong upang iwasang mabasa ang bumbunan ng babaeng estranghero sa pangalan ngunit hindi na sa mukha. Nagkasalubong ang dalawang magkaibigan. Ipakikilala sana ni Pocholo ang suking babae. Nang biglang─ NADULAS SI POCHOLO.
“AruUuUuUuUyyy…” angal ni Pochoy.
“HAHAHAHAHA!” tawa ni Kamote!
“Uy, bata, tayo na! Babawasan ko bayad ko sa’yo! Nabasa na ako oh.” pagbibiro ng babae.
“ARUY. Ikaw Kamote, tumawa ka pa!” pikon na sabi ni Pochoy.
“Ikaw kasi, mag-ingat ka Pot. Mabuti, hindi ka naganyan dun sa patawid. Nako, pisat ‘yang ulo mo.” pananakot ni Kamote.
“Hay naku. Tara na nga ate.” yaya ni Pochoy sa dalaga.
“Pot, mag-ingat ka ha!” sigaw ng kaibigan n’yang si Kamote.
“TSEH!” may kasama pang belat na tugon ni Pocholo.


Nakasilong na ang dalaga. Nahatid na s’ya ni Pocholo sa silungan. Aalis na sana ang bata ngunit tinawag ito ng babae.
“Totoy!” tawag sa kanya ng dalaga.
“Po?” lumakad pabalik si Pot-pot.
“Oh, heto’ng sampu. Umuwi ka na sa inyo. Baka maaksidente ka pa.” iniabot nga ng babae ang sampu na tigpipiso.
“Hindi ko po tatanggihan ito ha? Hehe. Salamat po! Sa uulitin!” nakangiting nagpasalamat si Pochoy.
“Mag-iingat ka, baka mapa’no ka nanaman. Lalo na d’yan sa patawid oh.” pagmamalasakit ng dalaga.
“Hehehe. Sige po. Maraming salamat ulit!” nakangiting sambit ng binatilyo sabay bulsa sa kanyang sampung pisong barya.
Patakbo-takbo, palundag-lundag, bitbit ang nakatikom na payong, tinungo ni Pochoy ang maangas na daan. Maraming sasakyan. Nag-iingat s’yang mabuti. Ayaw na n’yang mapahiya muli tulad ng pagkakadulas n’ya kanina.
Malayo pa ang sasakyan, kumaripas na s’ya ng takbo. Magandang pagkakataon nga naman para tumawid sa malawak na  kalsada. Sa masukal na kalsada.
http://www.spraygraphic.com/ViewProject/18999/normal.html
Malapit na s’ya sa kabilang dulo. May narinig s’yang kalansing. Naramdaman n’ya ang pag-gulong ng mga barya galing sa kanyang bulsa pababa sa konkretong daan.
‘Wala pa namang mga kotse.’ sambit sa sarili ni Pocholo.
Pinulot n’ya isa-isa ang mga baryang nagkandahulog kanina. Mabilis n’ya itong pinaghahahanap. Kinupkop n’ya sa marungis na kamay ang mga napulot na piso.
Maya-maya, kalansing na lamang ulit ang narinig n’ya.


“Nang Choling… Si Pochoy po…” nakatungong sambit ni Kamote.
“ANO BA?! KANINA KA PA GANYAN NG GANYAN!” pang-ilang beses nang sita ni Aling Choling sa paulit-ulit na usal ng kaibigan ng anak.
“Nang Choling… Si Pochoy po…” paulit-ulit na sabi ni Kamote. Mukhang wala na sa sarili ang bata.
“Nang Choling… Si Pochoy po…” nagbuntong-hininga na si Choling. Napansin nitong basang-basa si Kamote nang pumunta ng bahay nila.
Kinutuban na s’ya ng masama.
‘Diyos ko! Saan na ang anak ko?!’
Kinabig n’ya ang paulit-ulit na si Kamote. Hindi n’ya alam kung saan s’ya pupunta. Pero dinadala s’ya ng mga paa n’ya papuntang mall.
Pagkatawid n’ya, may nakita s’yang kumpol ng mga tao sa may gilid ng kalsada. Pero ‘di n’ya iyon pinansin. Agad s’yang nagpunta sa tapat ng gusali upang tingnan ang kanyang anak. Una n’yang nakita ang busangot na si Buwi.
“Buwi! Si Pocholo?! Nasaan?! Buwi!” marupok ang boses ng ina.
“Nasagasaan kanina ng trak. Walang kumukuha doon. Sa may gilid pa rin s’ya. Kadiri. Nilalangaw.” walang pusong sambit ni Buwi.
Hindi malaman ni Choling ang gagawin. Ayaw n’yang maniwala. Tumalikod na s’ya sa kausap at pumunta kung saan n’ya nakita ang mga taon kumpulan kanina. Nakisiksik s’ya sa mga tila bubuyog na lipumpon at sa gitna nito, ang duguang si Pocholo.
Katahimikan lamang ang naririnig ni Choling. Si Pocholo lamang ang nakikita n’ya sa kanyang paningin. Wala s’yang maramdamang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata ngunit meron.
‘Pwede bang ‘wag nang gumalaw?’
‘Pwede bang ‘wag nang huminga?’
At nawalan na ng ulirat si Aling Choling.


http://ginpom.blogspot.com/2010/07/storms-coming.html
Isang maulan na hapon…..
“Bata, nasaan na ‘yung kasama mo? ‘Yung madalas na nagpapayong sa akin?” tanong ng suking babae ni Pochoy kay Kamote.
“Nang Choling… Si Pochoy po…”
“Nang Choling… Si Pochoy po…”
Kawawang Kamote. Binaliw na ng tadhana.


-Wakas-